PATAY ang 65-anyos na lolo nang pagtatagain ito ng kanyang kapitbahay na unang nakasagutan nito sa isang walwalan sa kanilang lugar sa Brooke’s Point, Palawan noong Linggo.
Dead on arrival sa ospital dahil sa tinamong taga sa leeg at balikat ang biktimang si George Mirano Rubio, habang kusang loob na sumuko sa pulisya ang suspek na si Reming Sinialan, 42, kapwa residente ng Barangay Amas ng nasabing bayan.
Sa ulat ng pulisya, nag-iinuman ang suspek at ilan nitong kaanak nang dumating ang biktima at nakihalo sa kanila bandang alas-3:30 nang hapon.
Nang kapwa nalasing, nagtalo ang dalawa hanggang sapakin ng biktima ang suspek pero hindi ito pinatulan ng suspek dahil na rin sa edad ng una. Sa halip, umuwi ang suspek para matulog.
Gayunman, nagising ang suspek sa malalakas na kalabog sa kanyang bahay mula sa pambabato ng biktima. Hindi na nakapagtimpi si Sinialan, kinuha ang itak at sinugod si Rubio.
Inihahanda na ang kaso laban sa suspek. (Edwin Balasa)