MAHIGIT sa P5 milyon halaga ng puslit na sigarilyo ang nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Customs (BOC) sa tatlong operasyon sa loob ng isang linggong pagbabantay sa karagatan at kalupaan ng Zamboanga City.
Base sa ulat, ikinasa ang dalawang operasyon sa Barangay Kasanyangan, Zamboanga City kung saan nakumpiska ng mga tauhan ng BOC at 1st Zamboanga City Mobile Force Company (ZCMFC), 2nd ZMFC-Seaborn at Zamboanga City Police Station 3 at 6 ang 61 master cases ng magkakaibang brand ng puslit na sigarilyo.
Ayon kay BOC Zamboanga City District Director Arthur Sevilla, nasa P2.13 milyon ang halaga ng mga kontrabando lulan sa isang van na iniwan ng mga suspek sa kalsada. Noong Setyembre 11, nadakip ang caretaker nito na nakilala sa alyas na ‘Boljack’.
Pinakamalaking huli ng pulisya at BOC ang operasyon noong Setyembre 11 sa Tumalutap Island kung saan nasa P2.9 milyong halaga ng kontrabando ang nasabat. Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Takam Awang Julhakim, 43; Mahajir Hadjiruddin Ahadin, 39; Udjah Aylaya Usab, 54; at Mahsin Mukam Usman, 48, pawang residente ng Patikul, Sulu. (Edwin Balasa)