BUMUHOS ang malakas na ulan pero hindi naging hadlang sa kabayong si Vavavoom para makuha ang korona sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Cup na inilarga sa Metro Turf sa Tanauan City, Batangas nitong Linggo.
Pinag-aralan muna ni jockey Andreu Villegas ang sitwasyon pag-arangkada nila kaya tumutok lang sa matulin na si Biglang Buhos.
Nang maaninagan na malinis ang dadaanan ay kumuha na ng unahan sina Villegas at Vavavoom papalapit ng far turn.
Pagsapit ng huling kurbada ay nasa dalawang kabayo na ang lamang ni Vavavoom kaya naman sa rektahan ay hindi na nakaporma ang mga humahabol.
Inilista ni Vavavoom ang tiyempong 1:25.8 minuto sa 1,400-meter race sapat upang hamigin ang P150,000 para sa winning horse owner na si Sandy Javier, Jr.
Ang nasabing karera ay isang charity horse race na pinagsaniban ng Philippine Racing Commission at PSA na pinamunuan ni president at Philippine Star sports editor Nelson Beltran.
“in behalf of PSA President Nelson Beltran, we would like to thank the Philracom, sir Reli de Leon, rest assured that this will go to the proper beneficiary of the PSA,” saad ni Joey Villar, sportswriter ng Philippine Star.
Pangalawang kabayo si Lucky Lea na tumawid sa meta, nagsubi ang owner nito ng P56,250 habang tumersero ang pangarerang si Biglang Buhos na may premyong P31,250 sa may-ari nito.
(Elech Dawa)