LIMANG Pinoy woodpushers ang nagpakitang-gilas kabilang ang nagkampeon na si Bryle Arellano sa 14th Chess Lab Rapid Challenge Open na nilaro sa Dubai, UAE kahapon.
Nakipaghatian ng puntos si Arellano sa kababayang si Marvin Marcos sa ninth at final round upang ilista ang 7.5 points sapat upang masilo ang titulo.
Ipinatupad ang nine rounds Swiss Sytem, kaparehong puntos ni Arellano si Nelman Lagutin na isa ring Pinoy subalit matapos ipatupad ang tiebreak points at itinanghal na kampeon ang una.
Pinakyaw ng mga Pinoy ang 1st hanggang fifth place, nakopo ni Lagutin (7.5 points) ang second kasunod sina Reggiel Mel Santiago, Marcos at AGM Roberto Carandang na may tig-pitong puntos.
Hinamig ni Arellano ang premyong 1,000 AED (P15,468.42) habang ang second at third placer na sina Lagutin at Santiago ay kumubra ng 500 AED (P7,734.21) at 300 AED (P4,640.53), ayon sa pagkakasunod.
Kumubra din ng 200 AED at 100 AED ang fourth at fifth na sina Marcos at Carandang. (Elech Dawa)