May ilan tayong mga kaibigan na nagkuwento sa inyong Kuya Pulong na tila dumarami na raw ang nakikita nilang mga kabataan sa loob ng mga bar at pub sa Metro Manila. Kadalasan ay lalabas na pasuray-suray ang paglalakad sa kalye o kaya naman ay wala na sa wisyo ang pagmamaneho pauwi kaya’t maari pang makadisgrasya.
Marami sa kanila ay mga nag-aaral pa sa high school pero maagang natutong uminom.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, 18 years old pa lang ay pinapayagan na ang pagbili at pag-inom ng alak. Sa ganitong edad, nasa senior high school pa lang ang mga bata.
Noong nakaraang taon pa naihain ng inyong Kuya Pulong ang House Bill (HB) 1753 kasama si Benguet Congressman Eric Yap para maitaas na ang legal drinking age sa bansa mula sa kasalukuyang 18 years old hanggang sa 21 years old.
Kasama rin sa ating panukala ang pagbabawal sa ilang mga persons with disabilities o PWD na bumili ng nakakalasing na inumin.
Bukod sa layuning mapangalagaan ang kalusugan ng ating mga kabataan at PWD, ang aming panukalang batas ay para maiwasan rin ang mga sakuna at alcohol-related violence na maaring mangyari dahil sa labis na pag-inom ng alak.
Nakasaad sa HB 1753 ang pagbabawal sa pag-inom at pagbili ng nakalalasing na inumin ng mga may edad 20 pababa.
Kahit na 21 years old at pataas, kung hindi naman kayang pangalagaan ang sarili mula sa “abuse, neglect, cruelty, exploitation or discrimination” dahil sa “physical or mental disability,” bawal din ang pag-inom at pagbili ng nakalalasing na inumin sa ilalim ng bill.
Sa Davao City, mahigpit na ipinagbabawal ang pag-inom ng wala pa sa kasalukuyang legal drinking age na 18 years old. Bawal ang mag-inuman sa tabi ng kalye na tulad ng nakikita natin rito sa ilang lugar sa Metro Manila. Ang pagbili at pag-inom ng beer at alak ay bawal mula 1:00 am hanggang 8:00 am ng susunod na araw. Responsibilidad rin ng mga may-ari ng mga estabilisyamento na nagbebenta ng beer at alak na tiyaking ang kanilang mga customer ay hindi lubhang malasing.
May mga multa na pinapataw sa Davao City kapag nahuling lumabag sa liquor ban. Kapag umulit pa ay may kasama ng parusang pagkakakulong.
Sa HB 1753, may mga ganito ring probisyon pero sa parte ng nagbebenta ng alcohol. May mga parusang pagbabayad ng multa, pagkakakulong at pagbawi ng lisensya sa pagbebenta ng alak sa mga establisyamentong mahuhuling nagbebenta ng alcohol sa mga kabataang wala pa sa legal drinking age.
Maging ang mga opisyal ng gobyerno na nahuling hindi pinapatupad ang mga probisyon sa panukalang batas ay may karampatang parusa rin na nakasaad sa bill.
Kapag ang bawal namang uminom at bumili ang nahuli, sila ay sasailalim sa counseling o pagpapayo ng Barangay Council for the Protection of Children kung ito ay unang offense pa lang. Counseling pa rin kasama ang mga magulang kapag second offense. Kapag third offense o higit pa, sila ay dadalhin na sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para doon na mapagpayuhan at mapagpasyahan kung ano ang gagawin sa kanila para magbago.
Umaasa tayo na sa kasalukuyang Kongreso ay maisasabatas na ang ating bill. Gawan na natin ng mga hakbang na makakatulong para mabawasan ang nakakapinsalang paglalasing sa hanay ng ating mga kabataan bago pa ito maging malaking problema sa ating lipunan.