Mga laro sa Sabado:
(FilOil EcoOil Arena)
11:00am — Benilde vs. Letran
2:00pm — EAC vs. FEU
5:00pm – – UE vs. NU
IPINAMALAS muli ni rookie Angeline Poyos ang katatagan sa pamumuno nito sa University of Santo Tomas Golden Tigresses sa pagwalis nito sa naninibagong Letran, 25-21, 25-23, 25-14 panalo sa Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-Season Championship Season 2 sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City, Lunes.
Itinala ni Poyos ang kabuuang 13 puntos mula sa 11 spikes at 1 block na sinandigan ng Golden Tigresses tungo sa ikalawang sunod na panalo para pamunuan ang Pool C at pagkolekta din sa kanyang ikalawang karangalan bilang Best Player of the Game.
“Naipagpatuloy lang namin ang naisagawa din namin sa unang laro,” sabi lamang ng incoming rookie para sa UST sa darating na UAAP na si Poyos.
Huli itong naglaro sa SSL National Invitationals kung saan ito itinagnhal na Best Outside Hitter at nasa ikalawang sabak sa torneo para sa Golden Tigresses.
Tumulong din sina Xysa Gula na may 9 puntos at Ma. Cassandra Rae Carballo, Regina Grace Jurado at Kyla Elvira Cordora na may tig-7 para sa UST ni coach Emilio “Kungfu” Reyes.
“2-0 pero naha-highblood pa sa ginagawa ng players. Syempre iyung execution namin sa practice, especially sa mga middle, kailangan pa namin pitpitin. Dito pa lang, kailangan gawin kasi training ground ito. Kung hinayaan namin ng hinayaan ‘yung malalambot na galaw nila, para kaming nagtuturo ng mali,” sabi ni Reyes.
“So ganun, kaya nga kami sumali dito para ma-execute iyung tamang ginagawa namin sa training. Iyung ganun na kung paano ko ilaban iyung simpleng puntos, part ng trabaho ko iyun, kahit bigyan ako ng technical diyan, gagawin ko. para makita nila gaano tayo kaseryoso sa mga ganoong bagay. Kapag nagdala kami ng bad habit na malamya, parang tino-tolerate namin na ganun. So kailangan dito pa lang, hinahasa na. Kailangan iyung hirap nila sa training, ma-execute at mag-manifest during games,” paliwanag pa ni Reyes. .
Una nang nagwagi ang UST sa apat na set kontra University of Perpetual Help Lady Altas, 25-12, 21-25, 25-15, 25-21 upang matagumpany na simulan ang kampanya sa amateur na torneo. (Lito Oredo)