Sa mga nagdaang kolum natin, makailang beses po natin tinalakay ang mga ayuda ng ating pamahalaan para sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan.
Ang iba’t ibang ayudang ito ang nagsisilbing patunay sa laging sinasabi ng ating Pangulong Marcos na walang maiiwan sa kaniyang kagustuhang mabigyan ng masaganang buhay ang bawat Pilipino.
Pero sa ating kolum ngayon, tila baga ako ay may katanungan hinggil sa ginagawa ng namumuno sa ating economic team na tila taliwas ang ginagawa sa nais ng ating Pangulo na maiangat ang buhay ng masang Pilipino.
Malinaw kasi sa sinabi ng ating Pangulo sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo, gayundin sa kaniyang budget message sa ating Kongreso, ang kanyang commitment na high at inclusive growth para sa lahat. ‘Pag sinabing ‘inclusive’ ay sama ang lahat, walang laglagan.
Subalit itong si Department of Finance (DOF) Secretary Ben Diokno ay gustong magtipid sa mga social protection program, gaya ng mga cash transfer at libreng edukasyon sa kolehiyo, na aktuwal na dinisenyo para tulungan ang mga nangangailangang sektor upang maalalayan silang makatakas sa kahirapan sa gitna ng tumataas na inflation at sa economic scarring na idinulot ng nagdaang pandemya.
Balak po nitong si Secretary Ben na katayin ang budget sa inilalaang ayuda gaya ng free college tuition at sa 4Ps o ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Una po niyang sinilip ang budget na inilalaan ng gobyerno para sa free tuition. Nais niyang iparebyu ang Republic Act (RA) 10931, o “Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE) Act,” sa katuwirang unsustainable o hindi na ito kayang panatilihin at pag-aaksaya lamang daw ito ng pondo ng gobyerno dahil mataas naman ang college dropout rate.
Ngunit sagot na mismo ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Popoy de Vera na hindi naman solusyon ang paglimita sa libreng college education sa katuwirang maraming college students ang napilitang huminto sa pag-aaral dahil sa pandemya at sa kawalan ng perang pantustos sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Gusto rin po ni Secretary Ben na magpatupad ng nationwide entrance test sa mga UAQTE beneficiaries pero kinontra rin ito ni Chairman Popoy at sinabing talo rito ang mga mahihirap na estudyante na walang kakayahang mag-enroll sa mga review classes bago magsikuhanan ng college entrance exam.
Bukod po sa libreng college na gustong tagpasin ni Secretary Ben, nais din niyang katayin ang state budget para sa 4Ps at iba pang social protection measure dahil bumababa na daw ang poverty rate at patungo na ang bansa sa upper middle-income status kung saan merong average annual income na $4,466 o P252,000 ang mga mamamayan.
Sabi po ni Secretary Ben, “As the country attains upper middle-income status, employment situation continues to improve, and poverty incidence declines, it is reasonable to expect that the budget for social protection programs should slowly but progressively decline.”
Hindi po ba parang taliwas ito sa sinabi ni Pangulong Marcos sa katatapos na 43rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Indonesia na ang mamamayan ng mga rehiyon ay kailangang nasa puso ng komunidad ng ASEAN sa pamamagitan ng pag-agapay sa mga marginalized at vulnerable?
Ang patuloy pong pagtaas ng inflation na idinudulot ng pagsirit ng mga presyo ng petrolyo, pagkain tulad ng bigas, karne at gulay ay mas lalo pang nagbibigay ng rason sa Marcos administration para doblehin sa halip na tapyasin ang pondo para sa mga programa sa social protection para sa mga mahihirap at nangangailangang sektor.
Tila yata kabaligtaran ang pananaw ni Secretary Ben ay taliwas sa totoong nangyayari. Taliwas ito sa Asian Development Bank (ADB) report kung saan nagsabi ang chief economist for the region ng bangko na si Albert Park na kailangan pa ring mapalakas ang social safety net para sa mahihirap, mapaunlad ang pamumuhunan at mapadami ang trabaho.
Naniniwala rin po tayo na habang hindi pa nasosolusyonan ang iba’t ibang problema tulad ng mga pagtaas ng presyo ng bilihin at produktong petrolyo, kailangan pa rin ng mga kababayan natin ang mga ayudang nais ipatapyas ni Secretary Ben.
Wala rin po tayong nakikitang rason para magkuripot ang gobyerno sa pagpopondo sa mga social protection program dahil ang DOF mismo ay may inaasahang revenue windfall na P455.9 bilyon sa pagitan ng 2024 at 2026 mula sa listahan ng walong panukalang batas tungkol sa dagdag buwis na inendorso nito para sa pag-apruba ng Kongreso.
Hindi po dapat pagdamutan ng gobyerno ang mga kababayan nating mahihirap dahil gumagawa naman ng paraan ang ating pamahalaan sa tulong na rin ng Kongreso para mapataas ang kaban ng bayan. Kung babawasan natin ang mga ayudang ibinibigay sa ating mga kababayan, paano natin sila makakasabay sa pag-unlad?
Sabi nga ng ating Pangulo, walang maiiwanan sa pag-unlad. ‘Pag sinabing walang maiiwan, dapat kasama lahat, walang malalaglag at higit sa lahat, walang ilalaglag! Huwag naman ganyan Secretary Ben. -30-