Sa darating na araw ng Martes ay muli na namang tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo gaya ng diesel, gasolina at kerosene o gaas na maliban sa pangggatong sa mga kusinilya ay hindi na malinaw sa karamihan kung ano pa ang pinaggagamitan.
Mahigit na P2 ang itataas sa bawat litro ng diesel na magpahanggang sa ngayon ay pinakamalakas ang kunsumo dahil nga karamihan sa mga sasakyan at makinarya sa bansa ay ito pa rin ang ginagamit na gatong o fuel.
Sa larangan ng automotive industries, pilit nilang pinapababa ang demand sa gasolina sa pamamagitan ng mabilis na development sa mga hybrid na makina at sa mga purong electric powered.
Pero dito sa Pilipinas ay tila hindi pa ramdam ang epekto ng produksiyon ng hybrid at electic powered cars dahil mas marami pa ring mga Pinoy ang duda sa kakayahan at tibay ng mga ito sa uri ng mga panahon at kondisyon ng mga kalsada sa bansa.
Ginaya pa nga ng ating gobyerno ang Europe sa pamamagitan ng pag-exempt sa number coding scheme ng mga hybrid na sasakyan pero hindi pa rin ganoon kainit ang pagtanggap ng publiko sa benipisyong ito.
Pero darating ang panahon na ganap na ring magigising ang mga Pinoy sa makabagong teknolohiyang tumatalikod na nga sa gasolina at diesel bilang fuel sa mga sasakyan.
Napapaisip tuloy ako kung handa na ba ang mga kinauukulang ahensiya sa pagdating ng era na puro na electric powered o kaya ay hybrid na ang mga sasakyan.
Hanggang sa ngayon kasi ay wala pang nababalita kung paano pinaghahandaan ng mga kaukulang ahensiya gaya ng DENR ang pagtambak ng mga lumang baterya na ginagamit ng mga sasakyang ito bilang source of power.
Kahit nga sa tree planting at reforestation ay parang nasapawan pa ng Philippine Ports Authority ang DENR dahil nitong linggo lamang ang una ay nagtanim ng nasa 8 libong puno, samantalang ang huli ay hindi nabalita kung ano ang ginawa.
Sa kasalukuyan ay hindi pa natin ramdam ang problema sa nabanggit na teknolohiya dahil ang bateryang ginagamit ng mga sasakyan ay hindi naman agad nasisira kumpara sa mga ginagamit ng mga laruan, cellphones at mga gadgets.
Nasa pagitan ng mula pitong taon hanggang pataas ang life span ng mga baterya na ikinakabit sa mga hybrid na sasakyan at maging sa mga electric powered at kailan lamang naman ganap na ipinakilala ang teknolohiyang ito sa bansa.
Pero kailangan nating tanggapin ang katotohanan na padating na ang panahon mangyayari ang malakihan at maramihang pagtatapon ng mga gamit na baterya ng mga sasakyan.
At ang tanong, mayroon na ba tayong pagtatapunan?