Nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tatapusin niya ang problema ng trapik sa Pilipinas.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag dahil sa kahilingan ng batang estudyanteng si Frachesco N. Cristiano na nag-iwan ng sulat matapos bumisita sa Bahay Ugnayan museum kamakailan.
Sa kanyang lingguhang vlog, binasa ng Pangulo ang mga mensahe ng pagbati sa kanya sa social media at pumili ng ilang sulat ng mga estudyante na bumisita sa museum, kabilang dito ang liham ni Cristiano.
“Dear BBM. please remove traffic in the Phillipines,” anang sulat na binasa ng Pangulo.
Bilang tugon, sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na ginagawa ng kanyang gobyerno ang lahat para mabawasan ang problema sa matinding traffic.
“Lahat tayo ayaw na natin ng traffic. Gagawin namin ang lahat kaya naglalagay kami bagong kalsada para mabawasan ng traffic at hindi na kayo masyadong mahirapan,” pagtiyak ng Pangulo.
Matiyaga ring binasa ng Presidente ang comment section ng kanyang social media pages kung saan maraming pagbati ang ipinaabot sa kanyang ika-66 na kaarawan noong September 13, 2023. (Aileen Taliping)