Bumisita nitong Huwebes (Sept. 14) si Tingog Party List Rep. Yedda Marie Romualdez sa Zambales para pasalamatan ang paglagda sa isang memorandum of agreement sa pagitan ng mga alkalde sa ikalawang distrito at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa para tiyakin ang mabilis na paghahatid ng mga serbisyo mula sa gobyerno patungo sa lokal na pamahalaan.
Ang MOA signing ay isinakatuparan ng mga punong ehekutibo ng mga bayan ng Sta. Cruz, Iba, Botolan, Cabangan, San Felipe at San Antonio sa tulong ng “Kalingang Nanay Bing” program ni Zambales 2nd District Rep. Doria “Nanay Bing” Maniquiz.
Sinabi ni DSWD regional director Jonathan V. Dirain na ang MOA ay naglalayong mapabilis ang serbisyo ng gobyerno sa tulong ni Maniquiz at Tingog Party List.
Sa partikular, ipinatutupad ng MOA ang programang DSWD-Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) para sa mga taong nangangailangan ng tulong.
Dumalo rin si Zambales Gov. Hermogenes Ebdane Jr., na sumusuporta sa programa, dahil marami ang makikinabang na mamayan sa lalawigan.
Sa kanyang talumpati sa MOA signing, pinasalamatan ni Romuladez sina Maniquiz, Ebdane at mga alkalde sa mainit na pagtanggap.
Ayon kay Romualdez, ang Tingong Party List ay palaging nagbibigay ng tulong sa publiko sa gabay ni House Speaker Representative Martin Romualdez at suporta ni Pangulong Ferdinand “Bong-bong” Marcos hindi lamang sa panahon ng halalan.
Ibinahagi ni Romualdez ang hangarin ng House Speaker na mailapit ang serbisyong panlipunan sa mamamayan sa pamamagitan ng pagtatayo ng pitong Tingog Centers sa Zambales.
Sa pamamagitan ng mga centers na ito, makakapagbigay ang party list ng tulong medikal, libreng transportasyon para sa mga gustong bumalik sa probinsya at tulong sa kalamidad sa panahon ng bagyo, aniya.
Ipinahayag ni Maniquiz ang kanyang pasasalamat kina Romualdez at Tingog Party List, dahil na-ibsan ang kanyang problema na pagkasyahin ang hindi sapat na P50 milyong budget ng ikalawang distrito ng Zambales para sa pagbibigay ng edukasyon, burol at tulong pinansyal sa kanyang Distrito.
Sabi pa ni Maniquiz, hindi ito ang unang pagkakataon na nagbigay ng tulong ang Tingog Party List sa lalawigan, idiniin na nakatulong din ito sa ikalawang distrito sa mga nagdaang kalamidad.