WebClick Tracer

NEWS

DICT tagilid sa P1.2B spy fund

Ipinatawag ni Senadora Grace Poe ang Commission on Audit (COA) upang dumalo sa pagdinig ng panukalang budget ng Department of Information and Communications Technolo­gy (DICT) para sa 2024 dahil sa hinihingi nitong P300 milyong confidential fund.

Nais malaman ni Poe kung ano na ang nangyari sa P1.2 bilyong confidential fund ng DICT noong 2019 at 2020 na naunang kinuwestiyon ng COA.

“So pagdating sa DICT budget hearing sa Tuesday, imbitado ang COA at sinabihan namin sila na kung puwede ay dalhin nila ang report nila tungkol sa intelligence fund ng 2019 at 2020,” paglalahad ng senadora sa interview ng DZBB nitong Linggo.

“Kasi ‘yong ginamit na intelligence fund noong 2019 at 2020, nagkakahalaga ng P1.2 billion yan. Hindi pa natin malinawan sa COA kung ito ba talaga ay napayagan na o mayroon pa ring disallowances diyan na hindi pa naaayos hanggang ngayon,” paliwanag pa niya.

Bukod sa kuwestiyonableng paggamit ng DICT sa kanilang confidential and intelligence fund, binanggit din ni Poe na nasa 30% lamang ang absorptive capa­city at utilization rate ng ahensiya.

“Hindi nga nagagastos ang perang binibigay sa kanila hihingi pa sila ng dagdag,” katuwiran ni Poe.

Nauna nang sinabi ni DICT Secretary John Ivan Uy na kailangan nila P300 milyong CIF para umano labanan ang mga online at text scammers.

Ngunit ayon kay Poe, kailangang munang makumbinse ni Uy ang mga senador kung para saan talaga ang P300 mil­yong CIF ng DICT.

“Puwede nilang gamitin ang pera para magbigay ng reward doon sa mga informer. Puwede rin gamitin iyan para kumuha ng safehouse doon sa mga magre-report or bumili ng mga supplies or equipment para matunton ‘yong mga kawatan. Pero hindi nila itong puwedeng gamiting pangsuwel-do sa kanila, hindi nila ito puwedeng gamitin sa kung ano-ano lang,” babala ni Poe.

“Kaya kailangang marinig natin sa DICT, saan ba nila paggagamitan ito?” diin pa niya. (Dindo Matining)

Related News

TELETABLOID

Follow Abante News on