WebClick Tracer

METRO

Chairman, 2 pa binuweltahan ng ‘ghost employee’

INIREKLAMO ng isang residente ng graft sa Office of the Ombudsman ang chairman, kagawad at treasurer ng kanilang barangay sa Quezon City dahil ginawa umano siyang ‘ghost employee’ ng mga ito.

Sa kanyang reklamo, inakusahan ni Arjean Gavida Abe sina Chairman Alfredo Roxas, Kagawad Arnel Gabito at Treasurer Hesiree Santiago ng Barangay Kaligaya­han, Quezon City ng Falsification of Public Documents o Anti Graft and Corrupt Practices Act nang matuklasan niyang kasama pa siya sa payroll ng barangay.

Sa tatlong pahinang reklamo, sinabi ni Abe na naging teacher aide siya ng barangay mula Marso 1, 2022 at nagbitiw siya noong Enero 31, 2023. Gayunman, kasama pa aniya ang pangalan niya na tumanggap ng P6,000 suweldo sa petsang Mayo 1-31, 2023 payroll.

Sina Roxas at dalawa pang akusado ay nauna nang kinasuhan sa Ombudsman ni Hernando Compendio dahil din sa isyu ng ghost employee.

Taong 2016 nang magsimulang magtrabaho si Compendio bilang Barangay Public Safety Officer (BPSO) ng Barangay Kaligayahan, Quezon City pero hindi na umano siya pinapasok ni Roxas noong Hunyo ng 2022 nang ma-stroke siya.

Nakarekober umano siya ilang buwan ang nakalipas kaya nakiusap siya kay Roxas para makabalik sa barangay pero hindi na ito pumayag. Gayunman, nadiskubre niya na nasa January hanggang December payroll pa rin siya kahit wala na siya sa barangay.

Sa nakalap niyang mga dokumento sa QC City hall, isinama umano nina Roxas, Barangay Secretary Marpha de Jesus ang kanyang pangalan sa Personnel Schedule and Compendation ng Barangay Kaliga­yahan upang makasingil ng P170,118 para sa 2023.

Mula nang pinatigil ito ni Roxas sa trabaho bilang BPSO, hindi na umano niya natanggap ang P11,500 kada buwan niyang suweldo mula Hunyo 2022 hanggang Disyembre 2022.

Ang ginawa nina Roxas, De jesus at Santiago ay paglabag aniya sa Republic Act 2013 o Anti-graft law dahil sa salang falsification of documents, panlilinlang­ at pandaraya sa kaban ng bayan. Isinampa ni Compendio ang reklamo laban kay Roxas at dalawa pang opisyal noong Agosto 8, 2023 sa Office of the Ombudsman.

Related News

TELETABLOID

Follow Abante News on