WebClick Tracer

OPINION

Pagbabadyet

Ito na yata ang isa sa pinakamahirap gawin ngayon ng karaniwang kababayan natin, ang magbadyet ng kanilang gastusin para mapaabot hanggang sa susunod na suweldo ang pera.

Mabuti kung may maaasahang suweldo. Marami sa mga kababayan natin ang arawan ang kita: namamasada ng sasakyan, nagtitinda sa palengke at talipapa, nagde-deliver ng kung ano-anong gamit sakay ng motorsiklo. Sila ang mga manggagawang kung hindi magtratrabaho ngayong araw, walang kikitain. Hindi kagaya ng ibang manggagawa na magkasakit man, may maaasahang sick leave para hindi masyadong maapektuhan ang suweldo.

Madaling isipin ang proseso ng pagbadyet. Magtatalaga ng halaga na dapat gastusin. Ito ang para sa pagkain, ito ang para sa pamasahe, ito ang para sa pang-upa ng bahay o baon ng anak. Ito ang para sa matrikula. Ito ang pambayad sa kuryente at internet.

Kung malaki-laki ang halagang babadyetin, uubrang mag-ukol para sa damit, pamamasyal, o panghulog sa bagong sasakyan. May ibang kumukuha ng huhulugang bahay at lupa. May ibang kasama sa badyet ang insurance. Pero pambihira ito.

Ang karaniwang kababayan natin, hirap ibadyet ang kakarampot na suweldo. Oo nga’t nakabadyet, pero may hindi inaasahang gastos. May magkasakit halimbawa. O di kaya ay nakalimutang proyekto sa paaralan. May nasirang gadget na kailangang-kailangan. Nasisira ang badyet.

Hindi maitatanggi ang mabilis na pagtaas ng bilihin, lalo ng batayang pangangailangan tulad ng pagkain o pamasahe. Nakapanlulumo talaga na habang hindi naman nagbabago ang perang dumarating sa isang bahay, pataas nang pataas ang halaga ng pangangailangan. Buti sana kung sumasabay din ang pagtaas ng suweldo sa pagtaas ng bilihin, pero hindi.

Samantalang nagtitipid ang marami sa atin, ang mas masaklap, may mga badyet na ganoon na lamang lustayin. Halimbawa ang badyet ng ilang piling ahensiya ng gobyerno. Para bang pera nila ang nilulustay, na ang totoo, buwis natin talaga iyon na kinaltas sa maliit nang suweldo at sa ibang binayaran nating produkto. Oo, may buwis maging ang pagbili natin ng kendi at softdrinks.

Samantalang hirap na hirap tayong pagkasyahin ang pera natin, hayun ang mga opisyal na kaliwa’t kanan ang paglustay. Napakaganda at masagana ang buhay. Kaya lagi na lang tayong pahirapan sa pagbabadyet. Naguguluhan kapag may hindi inaasahang gastos at walang mapagkuhanan.

Alam ba ninyong ang nasa ubod ng salitang ‘badyet’, na binabaybay din natin na parang salitang Ingles na ‘budget’ ay hindi mismong pera? Ang ‘badyet’ ay galing sa Latin na ‘bulga’ na isang bag na gawa sa katad o leather. Oo, sa bag na ito naroon ang pera.

Naging bahagi ng parliyamento ng Inglatera ang kasabihang ‘open the budget’ para makita ang perang gagastusin para sa kanilang bayan. Ganito rin naman ang pakahulugan natin. Ang pagbabadyet ay paraan ng pagsisilid sa pera na nakalaan sa isang gastusin. Kaya nga may gastusin tayo na wala sa badyet o makakabawas sa inilaang badyet.

Madali sanang magtipid, kung ganito rin sana ang takbo ng utak ng mga ibinoto nating opisyal. Pero hindi, magastos sila at ganid na ganid.

Related News

TELETABLOID

Follow Abante News on