WebClick Tracer

OPINION

Namigay na, napulaan pa

Maraming aplikante sa pagkapulis ang dumadagsa sa ilang kampo para magkaroon ng katuparan ang kanilang pangarap na maging pulis.

Sa panahon ni dating Philippine National Police (PNP) chief Guillermo Eleazar ay inamyendahan ang dating height requirement na isa sa rekisitos para maging kagawad ng ating kapulisan.

Ito ay ang RA 11549 na nagbaba ng minimum height requirement sa mga aplikanteng lalaki at babae sa PNP gayundin sa Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Corrections (BuCor).

Ang itinakdang height sa mga lalaking aplikante ay 5’2 habang 5’0 naman sa mga babae.

Sa katunayan suportado ito ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa at ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sana ay ipinagpapatuloy ito ng PNP para naman makapasok ang mas maraming bagong pulis na kailangan natin, lalo na’t isang pulis sa halos 500 katao ang populasyon natin para mabantayan ang ating mga seguridad.

Tama naman si Senador Bato na hindi dapat height o tangkad ang gawing basehan para makapasok sa PNP kundi ang dedikasyon nitong makapaglingkod sa bayan.

Kaya sana PNP chief Benjamin Acorda ay bukas kayo sa mga isyung ito para na rin sa kapakanan ng mga bagong pulis na gustong pumasok sa serbisyo.

***

Inulan ng batikos ang school supplies ng pamahalaang lungsod ng Makati.

Usap-usapan ito sa social media kung saan maraming magulang ang nagreklamo matapos matanggap ang mga ipinamigay na unipormeng polo, shorts at maging sapatos.

Sa halip kasing magtatalon sa tuwa ang mga estudyanteng nakatanggap ng libreng school supplies ay matinding pagkadismaya ang naramdaman ng mga magulang at mga estudyante. Ang siste kasi, palpak ang ipinamahagi—hindi kasya.

Enebeyen Makati! Ang ganda-ganda ng press release, nagmamadali at nakikipag-unahan pa sa pamimigay ng school supplies tapos palpak ang matatanggap. Sino ba namang hindi madidismaya kung may uniporme nga pero hindi naman maisusuot.

Ano nga ba ang sinabi ni Makati Mayor Abby Binay? “Annual tradition” sa Makati ang pamamahagi ng mga school supply sa mga estudyante sa lungsod.

Ayon pa sa butihang mayora, pati ang mga estudyante sa mga eskwelahang sakop na ng 10 EMBO barangay na inilipat sa hurisdiksyon ng Taguig ay binigyan ng ganitong supply upang masiguradong handa sila para sa pasukan.

Nagawa namang magbiro ng ilang netizen at sabi nila’y: “#Ganito kami sa Makati.”

Ayan tuloy Mayora Abby, hindi daw competent ang pamimigay nyo ng school supplies. Sayang naman.

Sa ngayon daw ay abala ang mga magulang sa paghahanap ng kasukat ng mga uniporme at sapatos na kanilang natanggap. Baka sakalaing mapakinabangan ang mga uniporme at sapatos. Mabuti nga kung may makakapalitan eh paano kung walang mahanap na kasukat? Eh di nganga!

Trending na tuloy sa social media ang hashtag na #Swap dahil sa mga magulang na naghahanap ng makakapalitan ng mga uniporme at sapatos ng kanilang mga anak. Kung hindi nakikipagpalit, nagkakabentahan na para lamang hindi masayang ang natanggap na supplies.

Puwede pa sigurong makabawi ang Makati sa pamamagitan ng pamimigay muli ng bagong supplies pero siguraduhin na sukat na para hindi masayang ang ipinambili na galing sa kaban ng bayan.

Related News

TELETABLOID

Follow Abante News on