Hindi nakalusot ang modus operandi ng isang 19-anyos na dalaga na tinangkang linlangin ang isang Grade 7 student at itakas ang kanyang cellphone matapos naaresto sa Bacoor City, Cavite Biyernes.
Kasong swindling in relation to RA 7610 ang kinakaharap ng suspek na si Jasmine Apas y Pelas, ng Kabihasnan, Parañaque City dahil sa reklamo ng isang 14-anyos na Grade 7 student.
Sa reklamo ng ina ng biktima na si Leah Quirao, 47 kay Police Patrolman Levin Sinatad ng Bacoor City, Cavite, nasa harapan ng 7 Eleven sa Bgy, Bayanan, Bacoor City, Cavite ang Grade 7 student niyang anak nang lapitan ng suspek at nakipagkuwentuhan dakong alas-4:15 kamakalawa ng hapon.
Sinabi ng suspek sa biktima na magkakilala sila ng kanyang nanay at nang kumportable nang nagkukuwentuhan ay tinangkang hiramin ng suspek ang Oppo A16 na cellphone ng dalagita.
Nang mahawakan ng suspek ang cellphone ng biktima ay bigla itong tumawid ng kalsada at saka sumakay ng isang pampasaherong jeepney at tumakas.
Humingi ng police assistance ang biktima kung saan hinabol ang sinakyan ng suspek na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto at nabawi ang cellphone ng biktima. (Gene Adsuara)