Pasado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara de Representantes ang panukala na nagdedeklara sa Pampanga bilang Christmas Capital ng Pilipinas.
Ang House Bill 6933 ay inaprubahan sa pamamagitan ng voice voting sa sesyon ng plenaryo nitong Miyerkoles.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales Jr., pangunahing may-akda ng panukala, na natatangi ang Pasko sa bansa.
“Pagdating ng ‘ber’ months, umpisa na ng Pasko dito sa Pilipinas. Christmas lights starts to glitter as our native parols shine and light our homes and in the streets. Ganito ang Paskong Pinoy: masaya at maliwanag,” sabi ni Gonzales.
Sinabi ng mambabatas na ang kanyang panukala ay pagkilala sa lantern-making industry ng probinsya na nag-aambag sa ekonomiya ng probinsya.
“Ako po ay naglalambing sa inyo. Iregalo nyo na po sa mga Kapampangan ang panukalang batas na ito,” dagdag pa ni Gonzales. (Billy Begas)