WebClick Tracer

OPINION

Espesyalista sa mental health, kailangan sa mga paaralan

Nitong nagdaang linggo ay inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang-batas na “Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act”.

Isang instrumento ito na mas magpapatatag pa ng nauna nating naipasang batas, ang Mental Health Act.

Importante ito lalo na sa ating mga magulang na nangangamba sa mental health ng ating mga anak. Marahil, may mga naririnig tayong mga kaso ng kabataan na kinikitil ang sariling buhay dahil sa depresyon. Napakasakit sa puso nito. Kaya malaking tulong para sa ating mga mag-aaral, at kanilang mga mahal sa buhay, ang pagkakaroon ng accessible school-based mental health services upang tugunan ang iba’t-ibang mental health problems mula academic stress hanggang self-injurious and harmful behaviors, gaya ng insidente ng suicide.

Kung seryoso ang pamunuan ng Department of Education na siguraduhin ang safety and security ng ating mga paaralan at estudyante, walang kaduda-duda na ang pagpapabilis ng mainstreaming ng isang school-based mental health program ay makatutulong hindi lamang sa pagtiyak sa pisikal kundi pati na rin sa sikolohikal na kaligtasan ng learning environment para sa ating mga kabataan.

Mismong ang Kagawaran ng Edukasyon ang nagbigay ng datos na may kabuuang 404 na kabataang mag-aaral sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang namatay dahil sa suicide at 2,147 iba pa ang nagtangkang kitilin ang sariling buhay noong Academic Year 2021-2022, panahong karamihan sa mga paaralan ay sarado pa dahil sa pandemya. Marahil maraming mga kaso pa ang hindi naiulat at hindi nakasama sa mga bilang na ito. May mga kabataan ding dumaan sa pagkabalisa at depresyon na hindi nada-diagnose dahil sa kawalan ng kakayahan na kumunsulta sa mental health professionals.

Sa tingin ko, ito ang dapat na maging prayoridad na pag-ukulan ng pondo, hindi ang mga counter-productive at redundant na surveillance activities sa mga paaralan. Lalo’t ang mga surveillance activities, gawin man ng sibilyan o unipormadong tauhan, ay nakakapagpalala lalo ng psychological distress sa ating mga mag-aaral at kaguruan.

At kaalinsabay nito, nagtitiwala ako na sa kabila ng paghahangad nating bigyang buhay ang mga school-based mental health programs sa ating mga paaralan, hindi makakalimot ang ating mga education authorities —mula DepEd hanggang sa mga mababang paaralan — na patuloy na kilalanin, galangin at itaguyod ang mga karapatan ng ating mga service users, na pawang menor de edad, kanilang pamilya at mga tagapangalaga, at maging ang mga itatalagang mental health professionals.

Umaasa ako na ang ating mga awtoridad sa sektor ng edukasyon ay haharap sa hamon ng pag-institutionalize at pagpapanatili ng mga programa sa mental health sa ating mga paaralan. Upang sa wakas, ay wakasan na ang stigma at hindi na maragdagan ang mga mag-aaral na magagapi sa laban ng mental health.

Related News

TELETABLOID

Follow Abante News on