WebClick Tracer

OPINION

Ginagawa tayong pulubi

Ang pulubi sa wika natin ay isang tao na nanghihingi ng limos—maging pera o makakain—dulot ng matinding kahirapan. Ang paggamit ko sa salitang ito sa pamagat ng artikulong ito ay hindi literal, kundi pagsisimbulo sa uri ng pag-iisip na tila pinapalaganap sa ating kultura.

Bakit tuwing may mga sakuna, kailangan mamudmud ng mga tinatawag na relief goods na, kadalasan, ang mga pulitiko mismo ang kailangang gumawa nito? Sinasabi ng mga pulitiko na gusto lamang nilang maging personal ang kanilang pag-tulong. Dagdag pa ng iba, gusto rin nila makasalamuha ang mga tao sa panahon ng kanilang kagipitan.

Kung hanggang ngayon naniniwala pa tayo sa ganito, talagang malayo ba ang babagtasin natin para mahinog tayo bilang mga mamamayan. Ang totoong dahilan kung bakit ginagawa ito ng mga pulitiko ay upang magkaroon ng tinatawag na utang na loob ang mga nakatatanggap mula sa nagbibigay. Ito ang mga nagiging kwento tuwing kampanya para sa eleksyon kung paanong si Mayor o Governor ang mismong nag-abot ng tulong sa kanila nung panahon na kailangang-kailangan nila ng tulong. Ito rin ang pag-iisip sa likod ng paglalagay ng pangalan at litrato ng mga pulitiko sa mga plastic bag na naglalaman ng tulong? Kung sa bagay, hindi naman nila maabot ang lahat ng lugar. At, kung tutuusin, gusto ba nila talaga na makasalamuha ang mga tao o gusto lang ng pagkakataong makapagpa-litrato?

Siyempre, wala namang masama sa pagtulong. Ang nakakainis lang ay ang tila pinalalabas ng mga pulitiko na galing sa kanilang bulsa ang halaga ng kanilang pinamumudmud. Kung susuriin nating mabuti, mas madalas na pagkakataon na hindi ito totoo. Ang gastos para mabili ang mga pinamumudmud ay galing sa kaban ng bayan, na nanggaling sa mga taong nagbabayad ng buwis. Maliban pa riyan, may mga pagkakataon ding ang mga malalaking korporasyon ay nagbibigay ng tulong na siya namang pinapapelan ng mga pulitiko bilang kanilang ambag.

Hindi ko alam sa mga pulitiko sa ibang bansa, nguni’t dito sa atin, tila ganito ang umiiral na istilo sa pagpapapogi. Maski na ang ilang programa ng pamahalaan ay nakasalalay sa ganitong pormula ng sinaunang mga rehimen na ibinabalik ngayon.

Halimbawa na lamang ang Kadiwa na binuhay ng kasalukuyang administrasyon mula sa dating programa ng kanyang ama. Mga tindahan ito na nagbibigay ng murang halaga ng mga bilihin at nakatutok ito sa mga mahihirap ng mga komunidad. Ang tanong ko at ng marami ay kung kayang gawin ito para sa ilang mga piling lugar, bakit hindi maaring gawing mababa ang presyo sa buong bansa? Pakitang tao lang ba ito? Ano ang magic nitong mga tindahan na ito ay naiibigay nila ng mura ang mga bilihin dito? May subsidiya ba ito sa pamahalaan? Ito ba ay mga nasamsam na mga ilegal na produkto? Nguni’t sinasabi ng pangulo na gagawin itong permenente at sa buong bansa. Sa madaling salita, pwede para sa lahat. At kung ganito, ano ang espesyal sa Kadiwa? Maganda lang siguro maramdaman ng mga mahihirap kung sino ang naghatid sa kanila ng murang mga bilihin.

Maging ang mga ayuda na pinapangalandakan ng pamahalaan para sa mga jeepney drivers at, ngayon, para sa mga nagtitinda ng bigas? Hindi ba maari gumawa ng patakaran o programa ang pamahalaan na hindi mamumudmud ng pera para tanawin na malaking utang na loob ng mga tao? Tila ito ang nagiging sagot lagi sa mga problema ng bayan—na mamimigay na lang ang pamahalaan ng pera sa mga lubos na maapektuhan. Tama bang gawin silang parang pulubi na nag-iintay ng limos galing sa kamay ng pamahalaan na kailangan tumupad sa mga kung ano-anong mga requirements?

Related News

TELETABLOID

Follow Abante News on