Magandang araw muli, mga kababayan kong Bicolano! Noong nakaraang lingo, isinalang sa House Committee on Appropriations ang P10.7 bilyong panukalang 2024 budget ng Office of the President.
Bilang chairman ng appropriations committee, aking binigyang-diin na ang Presidency ay hindi lamang ceremonial o simbolikong posisyon kundi “central point ng governance”, o sentro ng kapangyarihang nagpapatakbo sa buong bansa.
Dahil dito, ang Tanggapan ng Pangulo ang pumapasan ng responsibilidad, obligasyon at bigat ng pamumuno. Bilang pinakamataas na opisyal sa bansa, nasa kamay ng Pangulo ang tungkuling ipatupad ang rule of law at pangalagaan ang pagkakaisa’t kapakanan ng bansa.
Mahalaga rin ang papel ng Pangulo sa national security bilang Commander-in-Chief ng Armed Forces of the Philippines. Upang epektibong magampanan ng Pangulo ang kanyang mga tungkulin at responsibilidad, mahalagang bigyan ng kaukulang suporta ang kanyang tanggapan. Mahalaga ring makiisa ang Kongreso sa kanyang hangarin para sa ikabubuti ng bansa. Ang budget ng Pangulo ang isa sa pinakamahalagang sangkap upang matupad niya ang mga plano para sa ikagaganda at ikauunlad ng bansa.
Humarap sa pagdinig si Executive Secretary Lucas Bersamin. Kanyang ipinaliwanag na ang pagdalo niya sa budget hearing ay bilang pagtalima sa utos ng ating mahal na Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na igalang ang kapangyarihan ng Kongreso.
Ayon kay ES Bersamin, mas maraming pagpupulong, presidential engagements at Cabinet meetings ang dadaluhan ng Pangulo sa susunod na taon. Malaking halaga rin ang kailangan upang tustusan ang logistical requirements sa pagpapaunlak sa mga imbitasyon ng foreign leaders na bisitahin ang kanilang bansa at pagtibayin ang diplomatic ties. Hindi maikakaila na ang investments na maaakit sa mga foreign trips ng Pangulo ay magbibigay ng maraming trabaho sa Pilipinas na siyang magpapabilis sa pagbangon ng ekonomiya mula sa pandemya.
Ang panukalang budget ng OP ay magbibigay daan din upang buhayin ang mga nabinbing proyekto sa Malacañang complex, pati na ang restorasyon ng mansyon sa Baguio City.
Mariin pong pinaliwanag ni ES Bersamin na binalangkas nila ang panukalang budget ng OP nang walang special treatment mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Agad namang pinagtibay ng komite ang panukalang budget ng OP bilang pagkilala ng Mababang Kapulungan sa tinatawag na “parliamentary courtesy” para sa isang co-equal branch ng pamahalaan.
Bukod sa budget hearings, naging abala din ang inyong lingkod sa pagharap ng ibang mahahalagang usapin tulad ng isyu ng mataas na presyo ng bigas. Kasama po tayong nakipagpulong sa mga kinatawan ng Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM). Ang pulong ay pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, kasama sina Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo at ang inyong lingkod.
Ang pagkilos ng liderato ng Mababang Kapulungan ay bunsod ng inisyung executive order ni Pangulong Marcos para sa price cap ng bigas. Itinatakda nito na ang regular milled rice ay hindi dapat lalampas ng P41 kada kilo at P45 bawat kilo naman ang well-milled rice.
Nagsagawa rin ng pag-aaral ang inyong lingkod bilang chairman ng appropriations committee kung saan kukunin ang P2 bilyong pondo na itutulong sa mga rice retailers na maaapektuhan ng price ceiling. Ating nakita na maaari itong kunin sa unprogrammed funds at naberipika rin na may available nang pondo. Napag-alaman din natin na mayroon pang pondo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa kabilang dako, naging abala rin ang Ako Bicol Party-list sa pamamahagi ng hygiene kits sa mga guro at mag-aaral sa ilalim ng ating programang ‘Tabang sa Karahayan’. Palagi po nating ipinapaalala sa ating mga kababayan na ang kalinisan sa katawan o good hygiene ay mabisang panlaban sa sakit.
Nagpapasalamat po ang inyong lingkod sa mga partners nating Children International Philippines, Inc., Clean the World, at Gardenia Bakeries Philippines. Muli, salamat po sa inyo! Hanggang sa muli, mga kababayan kong Bicolano!