Dalawang umano’y tulak ng ilegal na droga ang nadakip habang nakatakas
ang dalawa nilang kasabwat sa isang buy-bust na nagresulta sa
pagkakasamsam ng P7 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa Marawi
City noong Martes.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive
Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na sina Rahib Solaiman
Cayugan alyas ‘Mosep’, ng Making, Parang at Norain Anto Gunda, ng
Pindolonan, Butig kapwa sa Maguindanao.
Ayon kay Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR)
director Brig. Gen. Allan Nobleza, inilatag ang buy-bust operation
laban sa mga suspek sa Hayfah Compound, Barangay Gadongan sa Marawi
City bandang alas-otso nang gabi.
Hinudyat ang pagdakip sa kanila matapos iabot ng mga suspek ang 25
gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P170,000 sa kanilang poseur buyer.
Gayunman, nakaalpas ang dalawa pa at target sila ngayon ng operasyon.
Nakuha naman sa sasakyan ng mga suspek ang isang kilo ng
pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon. (Edwin Balasa)