Nagkaroon umano ng paglabag ang “Eat Bulaga” ng TAPE, Inc. nang pigilan nilang mag-live sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon at ang iba pang Dabarkads noong Mayo.
Sa panayam ni Ogie Diaz kay Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson Lala Sotto, sinabi nito na kaagad napansin ng kanilang monitoring team ang violation ng naturang noontime show.
“Immediately, the monitoring inspection unit observed that violation,” wika ni Lala.
Paliwanag niya, ang alam kasi ng MTRCB ay live ang ipalalabas ng “Eat Bulaga” ngunit replay lang ang kanilang pinalabas.
“Alam namin it was supposed to be a live show dito sa MTRCB. Ang permit to exhibit nila ay live, pero they chose to replay,” saad pa ng anak ni Tito Sotto.
Noong May 31 ay matatandaan na replay ang pinalabas ng TAPE sa “Eat Bulaga” kahit pa nasa studio ang TVJ at iba pang Dabarkads. Doon na rin inanunsyo ng TVJ na sila’y kakalas na sa production company na nakasama nila ng lampas apat na dekada.
Makalipas ang halos isang buwan, naghain ng copyright infringement at unfair competition ang TVJ laban sa TAPE Inc. ng mga Jalosjos. Hiniling din ng mga complainant sa Marikina Regional Trial Court na magpalabas ng writ of preliminary injunction ang korte upang pagbawalan ang TAPE Inc. na gamitin ang pangalan ng programang “Eat Bulaga” o “EB” sa GMA-7.
Sa hearing ikalawang noong Biyernes, Agosto 11, tumestigo si Tito Sotto kung saan nailahad niya ang karamihan nang gusto nilang ilahad sa korte.
Hindi naman ito nagbigay ng detalye matapos ang hearing dahil hiniling daw ng abogado ng GMA Network Inc. sa judge na pagbawalan siyang magsalita sa media.
“Everything went well pero ayaw ng GMA na nagpapa-interview kami, umaangal,” wika ni Tito.
(Ray Mark Patriarca)