WebClick Tracer

Child labor tuldukan na

Isang nakakabahalang pangyayari ang patuloy na pagdami ng bilang ng mga batang napipilitang tumigil na mag-aral para makapagtrabaho. Sa kanilang murang edad, sila ay nasasabak sa mga gawaing hindi naman dapat trabaho ng mga bata.

Marami sa mga magulang ng child laborer ay hindi gusto ang kalagayang ito para sa kanilang anak.

Dala ng matinding kahirapan kaya’t napipilitang mamasukan ang mga bata bilang kasambahay, factory worker o kaya ay magtrabaho sa mapanganib na lugar tulad ng mga minahan.

Sa Davao City lamang, 20,000 ang child laborers na naitala ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa nakalipas na apat na taon.

Sa buong bansa, ang bilang ng mga child laborers ay tinatayang umabot sa 935,000 noong 2021, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Malaki ang pagtaas na ito kumpara sa 597,000 na child laborer na naitala noong 2020.

Isa ang inyong Kuya Pulong na lumalaban para tuluyan ng matigil ang child labor sa bansa. Tayo ay nakipag-partner sa DOLE para mapalawak ang ating pakikipag-ugnayan sa pribadong sektor at mga non-government organizations (NGOs), nang sa gayon ay lumakas pa ang kampanya natin laban sa child labor.

Nagpaplano rin tayo na bigyan ng oportunidad para kumita ang mga magulang ng mga child workers sa Davao City at maghatid pa ng iba pang tulong para hindi na mapilitang magtrabaho pa ang kanilang mga anak.

Matagal na nating nasimulan ang pagsuporta sa AGAKKA (Alalay para sa Ginikanan Alang sa Kalambuan sa Kabatan-onan), isang proyekto ng DOLE sa Davao na ang layunin ay tulungan ang mga magulang o guardian ng mga child workers para magkaroon ng maayos na trabaho.

Ang DOLE at ang congressional office ng inyong Kuya Pulong ay tinatag rin ang Project Angel Tree kasama ang pribadong sektor para mangalap ng pondo, pagkain at school supplies. Ito ay para matulungan ang mga na-profile na 100 child laborers sa Davao City.

Nang gunitain ang World Day Against Child Labor noong June 12, ang aking anak na si Rodrigo “Rigo” Duterte II ay kumatawan sa aking tanggapan sa pagpapa-raffle ng mga laptop para sa mga bata at pamamahagi ng mga food packs. Ito ay para mahikayat ang mga magulang na gawing prayoridad ang pag-aaral ng kanilang anak sa halip na hayaan silang magtrabaho.

Ang plano ng inyong Kuya Pulong ay ulitin ang pagpapa-raffle o pamamahagi ng mga laptop at iba pang gamit sa pag-aaral sa mga mahihirap na pamilya sa Davao.

Maliliit na hakbang pa lamang ito kumpara sa malalawak na programa laban sa child labor pero magandang panimula. Lahat tayo ay dapat na magkaisa at kumilos para maiwasan o tuluyang mawala na ang child labor sa bansa.

Bukod pa riyan, kailangan ring maipatupad ng maayos ang batas laban sa child labor. Ilan dito ay ang Anti-Child Labor Law (Republic Act 9231), ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act (RA 10364), at ang Domestic Workers Act (RA 10361), na pinagbabawal ang pagtatrabaho bilang kasambahay ng mga batang edad 15 pababa.

Ang mga bata ay dapat na nasa loob ng silid-aralan para mag-aral, hindi nasa mga factory o bukirin para magbanat ng buto. Ang target ng inyong Kuya Pulong at nating lahat ay zero child labor sa buong Pilipinas.

TELETABLOID

Follow Abante News on