Noong taong 2022 ay muling bumangon ang bansa galing sa pandemya.
Muling sumigla ang ekonomiya sa pag ahon ng mga kabi kabilang aktibidad.
Naging malaya ang mga mamamayan sa pagganap ng kani-kanilang pang araw araw na gawain. Kaakibat dito ang muling pag sigla ng mga kaganapan sa larangan ng sining.
Sa pagkakataong ito, nagkita si Iwag Palattao at Titus Cura sa isang bangko sa lungsod ng Baguio at napagkasunduang magkita uli sa Chimichanga, isang restawran na pag-aari ng anak ni Titus. Sa lugar na ito muling nabuhay ang pagkakaibigan ng dalawa sa paulit ulit na pagkikita at palitan ng mga ideya sa kanilang mga obra.
Dito nabuo ang idea na magyaya pa ng ibang mga kapatid sa sining at magpalitan ng kuro-kuro tungkol sa mga pamamaraan at paggamit ng ibat ibang materyales sa pagpinta. Maraming mga pintor at iba pang alagad ng sining ang tumugon sa imbitasyon ng dalawa, at naging madalas na ang pagkikita ng mga ito.
Sa pagtakbo ng panahon, lumalabas na anim dito ang regular na dumadalo sa mga pagkikita at dito nabuo ang grupo ng PINTA SEIS na pormal na inilunsad noong Marso ng taong ito, 2023. Ito ay binubuo ng mga sumusunod: ang magkapatid na DATO na sina Alfred at Alfonso, ang magasawang Jayson Duclan at Cylan, at ang magkaibigang Iwag Palattao at Titus Cura.
Sa madalas na pagkikita, napagkasunduan ng grupo na magtulungan ang bawat isa sa pag-unlad ng kani- kanilang sining sa pamamagitan ng pagbahagi ng kaalaman sa mga epektibong pamamaraan at paggamit ng mga materyales.
Napagkaisahan din na ipakita at ibahagi ang talento ng grupo sa pamamagitan ng “social media” at sa pagsali sa mga exhibits lalo na sa Maynila kung nasaan ang sentro at komersyo ng sining sa bansa. Sa kabila ng pagkakaiba ng istilo sa pagpinta, nagkakaisa ang mga miyembro ng Pinta Seis sa kanilang hangarin at layunin. Ito ang palakasin pa ang kanilang presensya sa larangan ng sining sa aktibong pagsali sa mga eksibisyon at iba pang mga aktibidad na naayon dito.
Naging matagumpay ang pagbubukas ng exhibit sa Nami Art Gallery na matatagpuan sa SMDC Fame Mall Mandaluyong City. Dinaluhan ito ng mga kilalang personalidad sa lipunan na sina Margarita Ting Ting Cojuangco, Artist na si Roland Rosacay, Jopeth Cadiz, mag asawang Tin at Gabriel Yap at marami iba pa. Ang exhibit ay nagsimula noong May 28 at magtatapos sa June 11, 2023.
Muli ang pag-anyaya ng NAMI art gallery sa mga tumatangkilik ng sining na suportahan natin ang ating mga sariling artist.