Umapela si Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople sa mga Pilipino na mag-apply ng trabaho sa mga lehitimong recruitment agency at huwag sa mga travel agency o mga consultancy firm dahil wala silang permit para mangalap ng manggagawa patungong abroad.
“Ang puwede lang pong mag-recruit ay ‘yong lisensiyado ng Department of Migrant Workers. So, kung travel agency po ‘yan, visa o Immigration consultancy or skills training o kahit anong kompanya na hindi recruitment agency, bawal pong mag-recruit iyan,” giit ni Ople sa DZBB interview.
Sinabi ito ng kalihim matapos salakayin ng ahensiya ang isang travel agency sa Quezon City nitong nakaraang araw. Hinihingan daw ang mga aplikante ng P600,000 kapalit ng trabaho sa Malta o Poland kung saan kailangan mag-down ng P60,000.
“Kahit magkano ang ibigay niyo hindi rin kayo makakaalis kasi hindi sila authorized magbigay ng tinatawag nating OEC (overseas employment certificate) na hahanapin naman ng Immigration,” ani Ople. “So parang nagtatapon lang kayo ng pera, ‘yong pagod at umaasa ‘yong pamilya ninyo na makakaalis kayo pero binubulsa lang ‘yong pera ninyo.”
See Related Stories:
DFA susugurin Kuwait sa visa suspension vs mga OFW