Nanindigan si Senador Francis “Chiz” Escudero na hindi nilabag ni Senador Robin Padilla ang decorum sa Senado kung natameme ito sa plenary deliberation ng panukala sa kapulungan.
Tinutukoy ni Escudero ang viral video kung saan hindi mabigkas ni Padilla sa wikang Ingles ang tamang mosyon sa amendment sa panukala.
“Hindi paglabag sa decorum ang kanyang ginawa na hindi masabi ‘yong dapat sabihin. Hindi rin paglabag sa decorum o procedure. Dahil minsan kung ikaw ay malungkot, kinakabahan o naninibago pa sa proseso, minsan naman talaga nauubusan ka ng salita, nauutal o kailangan mong tumahimik nang panandalian para ipunin ‘yong nais mong sabihin,” paliwanag ng senador.
Pinayuhan daw niya si Padilla na maging maingat sa mga kilos sa Senado dahil palaging nakatutok dito ang camera at napapanood ng sambayanang Pilipino.
Bahagi rin ng decorum ang pinapairal na dress code sa kalalakihan na tanging Barong Tagalog at Amerikana lamang ang maaaring suotin sa sesyon pero sa kababaihan ay medyo may kaluwagan dahil marami silang puwedeng suutin basta huwag lamang naka-shorts at tsinelas.