Level-up na ang mga transaksyon sa mga ahensya ng pamahalaan.
Ito ay matapos pangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kahapon sa Malacañang ang paglulunsad ng eGov PH super App na magiging one-stop shop application sa lahat ng serbisyo ng gobyerno.
Sa pamamagitan ng super app ay mapapalakas ang ekonomiya at malabanan ang katiwalian sa burukrasya.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na malaki ang gagampanang papel ang paggamit ng electronic service lalo na at 97% na ng mga aktibidad ng publiko ay ginagawa na sa online gaya ng shopping, banking at pati na ang mga pagbabayad ng mga bayarin.
Binigyang-diin ng Presidente na kailangan ng gobyerno ang paggamit ng e-governance dahil napag-iiwanan na ang mga tanggapan ng gobyerno.
Lumabas aniya sa ginawang survey ng gobyerno na 95% sa lahat ng mga aktibidad ng publiko ay ginagawa online habang limang porsyento lamang ang gobyerno.
Pinapabalik-balik ang mamamayan sa mga tanggapan ng gobyerno para sa isang simpleng transaksyon gayong maaari itong gawin ng minsanan kung gagamit ng teknolohiya.
“And this e-governance, the whole idea of e-governance is something that we need to do because we have fallen behind. We did a survey of how people use the internet in the Philippines and the result was quite enlightening, in that they say 95 percent of their daily activities – the shopping, the paying the bank and even the payments to government, all 95 percent are done online. Ano ‘yung 5 percent? Government,” anang Pangulo.
Umaasa Si Pangulong Marcos Jr. na sa pamamagitan ng eGov Super app ay makukuha na sa isang pindot lamang sa telepono ang transaksyon na kailangan sa gobyerno, at makikinabang dito kahit pa ang mga nasa liblib at malalayong lugar.
“We hope with the beginnings of this e-governance system, that a senior living in an isolated place, isolated island somewhere who, by the time we will have connectivity, can just go on to their phone (and transact),” dagdag ng Pangulo.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang gagawin na lamang ay pagsama-samahin ang lahat ng sistema sa pamamagitan ng paggamit ng apps kung saan mapapadali ang mga proseso sa pamamagitan ng digitalisasyon. (Aileen Taliping)
See Related Stories:
Marcos sa DICT: e-Gov system ilarga na
Mababang budget utilization ng DICT kinalampag
Para internet world class! PH gov’t dapat mag-invest sa broadband