Naglabas ng pahayag ang TAPE Inc., production firm na nasa likod ng “Eat Bulaga”, matapos ang pagkalas sa kanila ng mga host ng programa kabilang na sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon noong huling araw ng Mayo.
Ayon sa TAPE, nalulungkot man sila sa nangyari ay nirerespeto nila ang desisyon ng mga host. Ang tagumpay umano ng programa ay hindi dahil sa tatlong umalis na host kundi sa mga talento, crew at mga manonood.
“The success of Eat Bulaga is not dependent only on three (3) people but on the collaborative efforts of its talents, crew, and loyal viewers,” ayon sa statement na ibinahagi ni Director for Finance Bullet Jalosjos sa kanyang IG page nitong Hunyo 1.
Kasabay nito’y inanunsiyo nila ang dapat abangan na “mas masaya, mas nakakaaliw at higit pa sa isang libo’t isang tuwa na Eat Bulaga.”
“Abangan ninyo ang mga bagong magpapasaya at magpapatibok ng ating mga puso. Aasahan ninyo ang mas masaya, mas nakakaaliw at higit pa sa isang libo’t isang tuwa na Eat Bulaga. Patuloy ang Dabarkads na maglilingkod para sa inyo, mga Kapuso mula Aparri hanggang Jolo at sa buong mundo.
“Ang pag-alis ng mga host ay hindi dahilan para tumigil ang pag-ikot ng mundo,” dagdag pa nito.
Kinumpirma naman ni Tito Sotto sa Abante na naghain na sila ng petisyon sa Intellectual Property Office (IPO) para makuha ang trademark ng “Eat Bulaga”. Isinampa nila ito noon pang Marso matapos umugong ang balita na balak ng mga Jalosjos na alisin sa programa ang tatlong beteranong host.
Kinuha na rin ng TVJ ang serbisyo ng Divina Law sakaling umabot sa korte ang agawan nila ng TAPE Inc. hinggil sa pagmamay-ari ng programang “Eat Bulaga”.
“Baka sa IPO lang ok na,” ayon sa dating senador
Mag-e-expire na raw sa Hunyo 14 ang trademark ownership ng TAPE kaya may basehan ang aplikasyon ng TVJ. (Issa Santiago)
See Related Stories:
TVJ humingi ng bendisyon, taimtim na nagdasal bago ang pamamaalam