Lumabas sa social media ang mga video ng masayang videoke party ng cast at staff ng teleseryeng ‘Unbreak My Heart’.
Isa sa mga video na kinaaliwan ng netizens ay ang pagkanta ni Will Ashley ng ‘Kahit Kailan’ ng South Border na parang hinaharana niya ang katabi that time (at ka-partner sa teleserye) na si Bianca De Vera.
Kinaaliwan ang video dahil parang kilig na kilig si Bianca habang kumakanta si Will kaya lalo pa silang tinutukso ng mga kasamahan nila.
Kaya nang makapanayam namin sina Will at Ashley sa grand media conference ng ‘Unbreak My Heart’ ay tinanong namin si Bianca kung bakit siya kilig na kilig doon sa video.
“We were just having fun,” ang maiksing sagot ni Bianca.
“Kasi noong time na ‘yon parang may bet si Direk Manny (Palo) sa amin na kapag nakakuha kami ng 95 (score) ay mayroon kaming libreng plane ticket,” paliwanag naman ni Will.
“So parang ‘yung time na ‘yon sakto kumakanta ako, natapat sa akin ang camera, ayun masayang-masaya kami,” dagdag pa ni Will.
Nagtitigan at natagalan naman silang sumagot nang matanong kung wini-welcome ba nila ang idea na posibleng maging sila in the future?
“Ano naman, we’re friends. Right now, at this point of my life, focus ako ngayon sa work. Kung anuman ‘yung ilalagay ni Lord sa harap ko, I’ll just go with the flow wala namang specific formula ‘yan and wala namang specific time and timetable for everything, so let’s see,” paliwanag ni Bianca.
“‘Di po natin kasi masasabi pa sa ngayon. Gaya ng sabi niya, mabuting magkaibigan kami and andiyan kami para sa isa’t-isa,” sey naman ni Will.
Anyway, pinuri naman sila ng isa sa mga direktor ng kanilang teleserye na si Dolly Dulu.
Ayon kay Direk Dolly, ang lakas ng chemistry nina Will at Ashley at very natural daw na lumalabas ang kilig ng dalawa.
Dagdag pa ni Direk Dolly ay may naramdaman siyang spark sa dalawa.
Bonggels!
***
Mga talunan isinama sa bagong P-Pop idol boy group
Inanunsyo ng Korean entertainment agency na MLD Entertainment ang desisyon nila na gumawa pa ng isang idol boy group na nagmula sa survival show na ‘Dream Maker’ ng ABS-CBN.
Hindi man pinalad sina Thad Sune, Wilson Budoy, Jom Aceron, Josh Labing-isa, at Macky Tuason na makapasok sa Top 7 dream chasers at maging bahagi ng global pop idol boy group na HORI7ON ay hindi pa rin natatapos ang pangarap nila na mapasama sa isang idol boy group.
Sa ngayon ay wala pang official name ang bagong idol boy group ng MLD Entertainment pero gaya ng HORI7ON ay nasa South Korea na rin sila para doon mag-training.
Magiging mas matagal ang training nila compared sa HORI7ON dahil sa 4th quarter pa ng 2023 sila nakatakdang mag-debut bilang P-Pop idol boy group habang sa 3rd quarter naman ang debut ng HORI7ON bilang global pop idol boy group.