Sinalakay ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Intelligence and Investigation Service ang isang tindahan na nagbebenta umano ng mga puslit na imported forklifts na nagkakahalaga ng tig-P1.5 milyon sa Makati City noong Huwebes.
Pinangunahan ni Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) Chief Alvin Enciso ang inspeksyon sa Paragon Trading and Service Corp. na nagtitinda umano ng mga forklift na galing sa Japan.
Binigyan ng BOC ng 15 araw ang may-ari ng nasabing tindahan para magsumite ng kaukulang dokumento para patunayang hindi ilegal ang ibinebenta nila.
Sinabi ni Enciso na nakatanggap din sila ng impormasyon na matagal na umanong nagpapasok ng imported forklifts ang Paragon Trading dahilan para malugi ang gobyerno ng daan-daang milyong piso sa buwis. (Betchai Julian)