Iimbestigahan sa Kamara ang nilulutong Landbank at Development Bank of the Philippines (DBP) merger.
Ito ang kinumpirma ni Charles Coronejo, Pangulo ng DBP Employees Union, sa kanilang Black Friday protest sa DBP Main Office sa Makati City.
Ibinahagi ni Coronejo na ang House Committee on Banks ang nagpatawag sa kanila para maibahagi nila sa mga kongresista ang kanilang mariing pagtutol sa balak ni Finance Sec. Benjamin Diokno.
Dagdag pa nito, sa bahagi naman ng Senado ay naghain na ng resolusyon si Deputy Minority Leader Risa Hontiveros hinggil sa Landbank – DBP merger.
Mariing tinututulan ng mga kawani ng state bank ang pag-iisa sa kanila ng Landbank dahil daan-daan sa kanila ang mawawalan ng trabaho sa gitna ng krisis sa kabuhayan dulot ng nagpapatuloy na pandemya.
Paliwanag ni Coronejo malaki ang pagkakaiba ng kanilang mandato sa Landbank dahil sila ay para sa iba’t ibang industriya, samantalang ang Landbank ay nakatutok sa sektor ng agrikultura.
Samantala, nakilahok sa protesta ang mga pinuno ng iba’t ibang unyon ng mga kawani ng iba pang Government Financial Institutions (GFIs) at Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs). (Jojo Sicat)
See Related Story: