Sino raw itong miyembro ng Senado ang dinamay ang mga kasamahang senador sa isyu ng corruption sa gobyerno?
Kuwento ng kaututang-dila ni Mang Teban, nagpasikat daw itong senador sa isang press conference at sinabing marami siyang gustong isampang panukalang batas.
Pero hindi raw siya magsasampa ng panukala para labanan ang corruption sa gobyerno dahil hindi raw maniniwala ang publiko na gawa niya ito.
Malinis daw kasi ang imahen niya kaya paano niya malalaman ang sistema ng pangungurakot sa gobyerno.
Nagbuhat na nga ng bangko, nandamay pa ang senador ng mga kasamahan sa Senado.
Sinabi ba naman ka¬sing “mas alam nila ‘yung sistema ng corruption sa gobyerno”.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko ang mga senador na nadawit sa pork barrel scandal noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Pumalpak na nga, tumodo pa sa pagkakalat ang senador nang sabihin nitong ayaw niyang matulad sa ginawa ni dating Senador Manny Pacquiao na supot ang expose sa administrasyong Duterte.
Clue. Ang senador na nilaglag mga kasamahan sa Senado sa isyu ng korapsyon ay minsang naging viral sa pagsusuklay sa committee hearing.