WebClick Tracer

OPINION

Paghahanda sa mga krisis at sakuna para maproteksyunan ang buhay ng bawat Pilipino

Ngayong linggong ito ay naiulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang kanilang pagmo-monitor sa Bagyong Mawar na kasalukuyang nasa labas ng bansa, sa silangan ng Visayas at Mindanao. Kahapon, na-downgrade ito mula sa pagiging isang super typhoon into typhoon category lamang pero andun ang posibilidad na maging isang super typhoon ito muli oras na pumasok sa Philippine Area of Responsibility, ayon sa ahensya. Inaasahang papasok ito sa PAR ngayong Biyernes o Sabado, at tatawagin itong Bagyong “Betty”.

Kaya naman hinihikayat ko ang ating mga kababayan na maghanda sa posibleng pagtama ng bagyo at makaranas uli tayo ng matinding ulan sa ating bansa. Palagi nating i-monitor ang updates mula sa mga awtoridad upang masiguro na handa tayo sa anumang mga pinsala na maaaring maidulot nito.

Kung kailanganin na nating lumikas, gawin kaagad at makinig tayo sa mga kinauukulan. Para naman sa kapakanan at kaligtasan natin at ng ating mga pamilya ang kanilang mga paalala.

Paulit-ulit ko nga pong sinasabi sa tuwing may sakuna, bagyo man iyan, sunog, lindol, o pagputok ng bulkan: magtulungan tayo. Ang pera, maaaring kitain iyan. Ang mga gamit natin, maaari nating mapalitan. Pero ang buhay, hindi iyan nabibili. A lost life is lost forever. Kaya mag-ingat, maghanda, at alagaan po natin ang buhay ng bawat isa.

Samantala, hinihimok ko naman ang national at local governments, lalo na iyong maaaring daanan ng bagyo, na siguruhing handa tayo sa pagpasok nito. Tiyakin natin na may mga nakahandang evacuation centers na maaaring magamit kung sakaling kailanganin ito. Ihanda na rin natin ang basic needs na kanilang kakailanganin kapag umabot tayo sa puntong kailangan silang ilikas. At kailangan din dito na makabalik kaagad tayo into normalcy.

Importante na walang magutom na Pilipino, may bagyo o iba pang krisis man o wala.

Asahan din ninyo na tututukan din ng aking tanggapan ang mga mahahalagang ulat ukol dito at sa abot ng aking makakaya ay tutulong ako sa aking mga kapwa Pilipino.

Hindi natin maikakaila na prone talaga ang ating bansa sa mga kalamidad dahil sa lokasyon nito. Kaya naman, patuloy ako sa pagtutulak na maipasa ang ilan sa aking mga panukalang batas na layuning mas palakasin ang ating preparedness at resilience sa tuwing may mga kalamidad.

Isa sa mga panukalang ito ang Senate Bill No. 188 na layuning itatag ang Department of Disaster Resilience.

Palagi kong nababanggit na dapat ay one-step ahead tayo sa tuwing may paparating na sakuna. Hindi natin maiiwasan ang pagdating ng lindol o bagyo, pero mas mabuti na palagi tayong handa para maiwasan natin ang mas malalaking pinsala o pagkawala ng buhay na maidudulot ng mga ito. Kaya naman nagpupursige ako sa Senado na maipasa ang panukalang ito para masiguro na may ahensyang tututok sa ating disaster response at mitigation efforts.

Bilang suporta naman sa mga responsibilidad ng panukalang DDR, nag-file din ako ng SBN 193, o ang Mandatory Evacuation Center Act. Layunin nito na magkaroon tayo ng ligtas at malinis na evacuation centers sa bawat siyudad, bayan, at probinsya sa buong bansa.

Hindi po ako titigil sa pagsusulong ng mga panukalang batas na ito. Napapanahon na para magkaroon tayo ng DDR at mandatory evacuation centers para mapangalagaan ang buhay ng ating mga kababayan.

Habang naghahanda tayo sa posibleng pagtama ng panibagong bagyo sa bansa, araw-araw namang nagsisikap ang aking opisina na makapag-abot ng tulong sa mga Pilipinong kasalukuyang nangangailangan ng tulong.

Nitong nakaraang mga araw, naghatid tayo ng tulong sa mga nasunugan sa Pampanga. Ilan sa mga kababayan natin mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang atin ding inabutan ng tulong sa mga probinsya ng Aurora, Quezon, Misamis Oriental, Agusan del Sur, at Nueva Ecija.

Maliban dito, nitong May 24, personal kong binisita at tinulungan ang 1,201 na pamilyang nasunugan sa Sta. Cruz, Manila. Noon namang May 23, nagtungo ako sa Maybunga, Pasig City upang personal na bahaginan ng tulong ang 1,000 mahihirap na residente. Personal din nating tinulungan ang 1,663 na mahihirap nating kababayan sa Gapan City, Nueva Ecija noong May 22.

Samantala, noong nakaraang Linggo, May 19, nakisaya tayo sa Manggahan Festival sa bayan ng Jordan sa Guimaras kung saan dinaluhan ko rin ang Manggahan Open Volleyball Tournament doon. Ngunit higit pa sa pagdalo sa naturang mga pagdiriwang, naroon tayo upang kumustahin ang kalagayan ng ilang indigent families sa probinsya.

Nauna akong nagtungo sa Dr. Catalino Gallego Nava Provincial Hospital sa parehong bayan kung saan nagkaroon ako ng monitoring visit ng Malasakit Center doon. Gaya ng mga nauna nating pagbisita sa mga Malasakit Center sa iba’t ibang panig ng bansa, namahagi rin tayo ng assistance sa ilang pasyente at frontliners sa ospital. Namahagi rin ang Department of Social Welfare and Development ng hiwalay na financial assistance sa mga kuwalipikadong pasyente.

Matapos ito, nagtungo tayo sa bayan ng Buenavista kung saan naman sinaksihan natin ang groundbreaking ng Super Health Center. Sinundan ito ng personal na pamamahagi ko ng tulong, kasama ang aking team, sa 1,462 na mahihirap na residente.

Nagkaroon din ako ng inspeksyon ng bagong Buenavista Wharf at seawall, dalawang proyekto na pareho nating sinuportahan noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang vice chair ng Senate Committee on Finance.

Sa kabila ng mga pagsubok na ating kinakaharap, panatag ako na malalampasan natin ang lahat ng mga ito dahil sa ating likas na tapang at pagmamalasakit sa kapwa ng mga Pilipino. Sa kabila nito, alam ko rin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng proactive na approach sa anumang suliranin na maaari nating kaharapin.

Ipagpatuloy lang po natin ang pagbabayanihan dahil ito ang ating kinakailangan ngayon. Sa abot po ng aking makakaya ay tutulong po ako sa mga kapwa ko Pilipino, lalo na ang mga mahihirap. Sabay-sabay tayong bumangon sa anumang hamon na darating sa atin bilang isang nagkakaisa at mas matatag na bansa.

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on