Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng P25.16 bilyon para tustusan ang isang taong health insurance ng 8.4 milyong na mahihirap na Pilipino.
Pinirmahan na ni DBM Secretary Amenah Pa¬ngandaman ang Special Allotment Release Order (SARO) noong Mayo 23, 2023 sa Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) para sa health insurance premiums ng mga mahihirap na Pilipinong naka-enroll sa PhilHealth.
Sinabi ni Pangandaman na mahigpit ang bilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ibigay ang angkop na pangangalaga sa kalusugan ng mga Pilipino dahil nakita noong panahon ng pandemya ang importansya ng matatag na health care system.
“President Ferdinand R. Marcos Jr. mandated his cabinet to ensure that Filipinos are provided with affordable health care. Pinamulat sa atin ng pandemya ang kahalagahan ng mas matatag na health care system, kaya’t pinagsisikapan po natin na ilapit ito sa ating mga kababayan, lalong-lalo na po sa mga higit na nangangailangan,” ani Pangandaman.
May itinakdang pamantayan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung sino ang mga dapat masakop sa health insurance, gaya ng mga mahihirap na Pinoy na walang pinagkakakitaan, o kaya ay hindi sapat ang kinikita para sa pamilya. (Aileen Taliping)