Duda si dating Presidential Spokesman Harry Roque na tatanggapin ni dating Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte ang pagiging drug czar sakaling ialok ito sa kanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Roque na bagama’t nagkakaisa sina Pangulong Marcos at dating Pangulong Duterte na dapat maubos at matuldukan ang illegal drug trade sa bansa, magkaiba aniya ang kanilang pamamaraan para magtagumpay ito.
Si Duterte aniya ay tumutok sa enforcement sa kanyang anti-drug campaign habang si Marcos ay tinarget ang mga opisyal sa Philippine National Police (PNP) na hinihinalang sangkot sa illegal drug trade.
“Mukhang malabo na maging drug czar si PRRD. Tingin ko naman nagkakaisa sina PBBM at PRRD na dapat talaga maubos na itong nangangalakal sa ipinagbabawal na gamot, kaya lang ang tingin ko nagkakaiba sila sa means and methods kung paano ma-achieve ‘yung goal na ‘yon,” ani Roque. ¬(Aileen Taliping)