WebClick Tracer

OPINION

Tuloy ang laban

Patuloy na hinaharass ng Chinese coast guard ang mga sundalo ng Pilipinas sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas.

Ito ang ibinahagi ni Brig. Gen. Charlton Sean Gaerlan, deputy chief of staff ng AFP, sa Commission on Appointment (CA) sa isang pagdinig kamakailan.

Ayon kay Gaerlan, hindi pinapayagan ng mga Chinese ang ilang barko ng Pilipinas na pumunta sa Kalayaan Island Group (KIG), at madalas na naaantala ang paghahatid ng mga kagamitan sa mga sundalo roon. Dagdag pa niya, delikado ang mga maniobra ng mga barko dahil maaaring magresulta ito sa pinsala o pagkawala ng buhay ng ating mga sundalo.

Napuna rin ni Sen. Joseph Victor Ejercito ang kahabag-habag na kalagayan ng maliit na outpost ng Pilipinas sa BRP Sierra Madre sa Ayungin (Second Thomas) Shoal dahil sa paulit-ulit na panggugulo ng mga Chinese.

Pinapakita lang ng pahayag ni Gaerlan na sa patuloy pa rin ang panghihimasok ng Tsina sa West Philippine Sea, at ang paglabag nito sa ating mga karapatan bilang isang bansa. Sa harap ng mga pangyayaring ito, mahalaga na patuloy rin tayong manindigan at maging matatag sa pagtatanggol ng ating mga karapatan sa West Philippine Sea. Hindi tayo maaaring manahimik. Hindi tayo maaaring mapagod.

Kailangan rin nating palakasin ang ating mga alyansa sa mga bansang tulad ng Estados Unidos, Australia, Hapon, at mga kapitbahay sa ASEAN na may parehong interes sa rehiyon. Ang ating nakamit na tagumpay sa UN Arbitral Tribunal, na itinaguyod ang ating karapatan at ibinasura ang pang-aangkin ng Tsina sa West Philippine Sea, ay sinusuportahan ng maraming bansa na interesadong panatilihin ang malayang pagdaan sa rehiyon. Kailangan nating makipag-ugnayan at makipag-tulungan sa kanila.

Mahalaga ring ituloy natin ang pagpapatupad ng mga batas at alituntunin sa pagresolba ng mga internasyonal na alitan. Kasama na dito ang pagdiin at pagtindig sa ating nakamit na tagumpay ng Pilipinas sa UN Arbitral Tribunal.

Ang Pilipinas ay hindi dapat nag-iisa sa laban nito sa West Philippine Sea. Sa pamamagitan ng pagiging matatag, konsistent, at pakikipagtulungan sa iba’t ibang bansa, magkakaroon tayo ng mas malaking boses at proteksyon.

Ang pangangalaga sa ating teritoryo ay hindi lamang para sa ating likas na yaman at pang-ekonomiyang interes, kundi higit sa lahat, para sa ating kasarinlan at soberanya bilang isang bansa. Ito ang tungkulin ng ating pamahalaan at ng bawat Pilipino na ipaglaban at itaguyod ang ating mga karapatan sa West Philippine Sea.

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on