Magandang araw muli, mga kababayan kong Bicolano! Kamakailan ay nakipagpulong tayo sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA).
Ginanap ang pagpupulong upang planuhin kung paano matitiyak na may sapat na suplay ng bigas sa bansa at mapanatiling mababa ang presyo nito sa pamilihan.
Kasama natin sa pulong sa Batasang Pambansa sa Quezon City ang chairman ng House Committee on Food and Agriculture na si Cong. Mark Enverga ng Quezon, mga opisyal ng DA sa pangunguna nina Undersecretary for Rice Industry Development Leocadio Sebastian at National Irrigation Administration Acting Administrator Eduardo Guillen. Ang pagpupulong ay bilang tugon sa utos ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Bilang chairman ng House Committee on Appropriations, atin pong inalam kung ano ang mga proyekto ng mga naturang ahensya upang mapababa ang presyo ng bigas para ating mapaglaanan ng budget.
Nais po kasi nating maging self-sufficient ang ating bansa sa pag-produce ng bigas upang hindi na tayo umangkat nito sa ibang bansa.
Napakahalaga ng pagtutulungan ng Kongreso at mga ahensiya ng pamahalaan upang matugunan ang isyu sa food production, irigasyon at kinakailangang infrastructure. Kumbaga sa larong basketball, hindi mananalo ang isang koponan kung isang tao lang ang gagawa ng puntos. Kailangan din niya ang tulong ng apat niyang kakampi upang magwagi sa laban.
Ganyan din po ang estratehiya sa agrikultura, hindi natin dapat iasa sa isang ahensiya lamang ang pagresolba sa mga problema.
Sa nasabing pulong, ating binigyang-diin ang kahalagahan ng paggamit ng makabagong pamamaraan at teknolohiya upang maparami ang produksyon ng bigas. Kailangan din ang mga modernong gilingan o rice mills sa bawat rehiyon. Mahalaga ang bawat butil kaya’t hindi dapat ito nasasayang.
Malaking bagay din sa pagpapataas ng produksyon ang infrastructure, kabilang ang mga irigasyon, farm-to-market roads at imbakan ng mga palay at bigas.
Kung maisasakatuparan natin itong lahat, hindi lang darami ang supply ng bigas sa bansa, mapapalaki rin ang kita ng mga magsasaka. Makapagbibigay din ito ng trabaho sa marami nating kababayan na walang hanapbuhay. Higit sa lahat, mapapasigla at mapapaangat nito ang ating ekonomiya.
Ang inyong lingkod at Ako Bicol Party-list ay matagal nang tumutulong sa mga magsasaka. Ngayong may banta ng El Ñino, mahalagang tutukan ang isyu ng food security upang ating matulungan ang mga lokal na magsasaka.
Sa bayan ng Daraga, Albay, nagdala tayo ng tulong sa sektor ng agrikultura kamakailan. Katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), sumailalim po sa orientation at assessment ang nasa 521 magsasaka na ating bibigyan ng financial assistance.
Nagbigay din tayo ng tulong pinansiyal sa daan-daang magsasaka at mangingisda sa bayan ng Manito at Camalig.
Sa pamamagitan ng ating programang Tabang sa Kabuhayan, titiyakin po nating makakabot ang tulong sa ating mga magsasaka at mangingisda upang masiguro ang matatag na supply ng pagkain at mapababa ang presyo nito sa mga pamilihan.
Makakaasa po ang ating mga kababayan na kahit saan mang bahagi ng Kabikulan, ang Ako Bicol Party-list ay patuloy na maghahatid ng tulong na walang kapantay at maaasahang serbisyo publiko.
Hanggang sa muli, mga kababayan kong Bicolano!