Napipintong ilampaso ni Heart Evangelista si Anne Curtis sa usapin ng gown o OOTD na isusuot ng Kapuso actress sa event ng Louis Vuitton.
Kung si Anne ay dumalo sa Gucci Cruise 2024 runway show, rarampa naman si Heart sa Louis Vuitton Cruise 2024 o LV Cruise 2024.
Ang event na dinaluhan ni Anne ay ginawa sa isang makasaysayang 14th century palace sa Seoul, South Korea at ang pupuntahan naman ni Heart ay sa majestic Isola Bella sa Lake Maggiore, Italy.
Nagpatikim na si Heart sa gagawing pag-attend sa event sa pamamagitan ng video niya sa kanyang Instagram na nagpapakita ng bags at outfits niya na gawa ng nabanggit na brand.
Kahapon ang nasabing event kaya naman nag-aabang na ang Pinoy fans sa mga pasabog na damit na isusuot ng kanilang idol.
Kung si Anne ay nakabalot sa red winter below-the-knee jacket sa Seoul event na pinuntahan nito, posibleng ibalandra naman ni Heart ang kanyang kaseksihan sa event sa Italy.
Bukod kay Heart, tiyak din ang pagdalo ng malalaking personalidad sa buong mundo sa nasabing fashion show.
Asahan naman na hindi maiiwasang pagkumparahin sina Anne at Heart dahil parehong bonggang luxury brands events ang pinuntahan nila. (Rey Pumaloy)
See Related Story: