Umaabot sa 45 estudyante ng isang elementary school ang nalason matapos umanong magkamali ang tindera nito nang sa halip na asukal ay tawas ang naibudbod nito sa ibinebenta niyang maruya noong Lunes sa Mlang, North Cotabato
Batay sa imbestigasyon ni Mlang municipal health officer, Dr. Glerecio Sotea, ang nakaing tawas ang sanhi ng pagkalason ng mga estudyante ng Palma-Perez Elementary School.
Aniya, nagmamadali umano ang vendor at hindi nito napansin na pulbos na tawas ang nadampot niya nang bumibili siya ng asukal sa grocery.
Isinugod sa Mlang District Hospital ang mga biktimang nasa edad 7 hanggang 12 matapos silang makaramdam ng pagkahilo, pagsusuka at panghihina nang makakain ng maruyang inilalako ng isang vendor na hindi muna pinangalanan.
Sinabi ni Sotea na ligtas na ang karamihan sa mga bata at ilan na lang ang nagpapagaling sa ospital.
Base sa ulat, recess ng mga bata pasado alas-nuwebe nang umaga nang bumili at makakain sila ng maruya. Gayunman, ilang sandali lang ay sumama na ang pakiramdam ng mga ito kaya dinala na sila sa ospital.
Samantala, naniniwala si Ms. Elna Jontongco, principal ng eskuwelahan, na hindi sinasadya ng vendor ang nangyari dahil halos 10 taon na itong vendor sa eskuwelahan at pinagkakatiwalaan din nila itong magluto tuwing may mga programa sila sa paaralan. (Edwin Balasa)