Bumulagta ang isang pulis kasama ang dalawang suspek sa ilegal na droga matapos na mauwi sa engkwentro ang isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Orion, Bataan kahapon nang madaling-araw.
Kinilala ang nasawing pulis na si Police Corporal Darnel Alfonso, nakatalaga sa Orion police station habang tinukoy naman ang napatay na suspek na si Mark Anthony Capacia na dati ring may kasong murder.
Samantala, inaalam pa ng mga awtoridad ang kasama ni Capacia na tumimbuwang din sa engkuwentro.
Batay sa report, ikinasa ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Bataan Provincial Field Unit, kasama ang Bataan PNP Provincial Intelligence Unit, 2nd Provincial Mobile Force Company at mga tauhan ng Orion PNP ang buy-bust operation laban kay Capacia sa Purok 8, Barangay Gen. Lim, Orion bandang ala-una nang madaling-araw.
Gayunman, nakatunog si Capacia at kasama nito na mga pulis ang katransaksyon nila kaya sa halip na sumuko ay nanlaban ang mga ito sa mga pulis.
Nagpalitan ng putok ang dalawang grupo hanggang bumulagta si Alfonso at kalaunan ay ang mga suspek.
Samantala, sugatan din sa engkuwentro sina P/Maj. Dennis Duran at P/SSg. Glen Salac na idineklarang ligtas na matapos magamot sa Bataan General Hospital.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Ronilo Dagos)