WebClick Tracer

OPINION

Noon pa dapat inayos ang problema

Isa sa mga pangarap ng marami nating kababayan ay makapag-leave sandali sa trabaho at maipagbakasyon ang kanilang pamilya sa mga naggagandahang beaches at iba pang tourist spots sa ating bansa, tulad ng makikita sa Boracay, Bohol o Palawan.

Kung may kaunting budget pa, baka marahil ay sa Singapore, Thailand o iba pang karatig-bansa ng Pilipinas kayo planong pumunta. Pagpaplanuhan at pag-iipunan ninyo ito para matupad ang inyong dream vacation. Kahit sa mga budget hotel kayo tumuloy ay ayos na, basta masaya.

Nang matupad na ang pangarap, talaga namang napakasaya ng lahat at very memorable ang inyong bakasyon. Unforgettable ‘ika nga.

Pero paano kung kapag pauwi ka na at nakalapag na ang eroplanong sinakyan ‘nyo, ay wala palang kuryente sa buong airport?

Ito po ang nangyari sa may 65,000 na pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Bagong Taon. Isa po tayo sa nakaranas na siksikan sa mga counter, hindi alam kung saan pupunta at naghihintay sa wala dahil hindi gumagana ang komunikasyon at iba pang pasilidad sa airport.

Kung sapat lang ang budget mo para sa iyong dream vacation, siguradong naging masamang panaginip na ang pagtatapos nito. Saksi po ako sa napakarami nating mga kababayan na doon na sa airport natulog kahit mainit, dahil wala naman silang pambayad na extra para sa hotel habang hinihintay na maayos ang gusot na nangyari sa NAIA.

Nang magsagawa ng hearing ang Committee on Transportation ng Kamara de Representante kamakailan, naikuwento ko po ang malungkot na karanasan na ‘yan kay Bryan Co, ang officer-in -charge ng Manila International Airport Authority (MIAA) na siyang namamahala sa NAIA.

Kinuwento ko po ‘yan sa dahil sa kasamaang palad ay naulit pa ang pangyayaring ito noong May 1 o Labor Day ng mawalan din ng kuryente sa NAIA Terminal 3 (NAIA-3). Bukod pa riyan, bago pa nangyari ang pagkawala ng kuryente noong January 1 at May 1, nagka-brownout na rin po noong Setyembre ng nakaraang taon sa NAIA.

Nagsagawa na po ang komite na pinamumunuan ni Antipolo 2nd District Cong. Romeo Acop ng imbestigasyon sa malawakang pagkawala ng kuryente sa NAIA noong January 1. Pangalawang imbestigasyon na po itong binuksan ng komite noong May 11 patungkol naman sa brownout sa NAIA-3 na nangyari noong May 1, kaya naman may ilang mambabatas ang hindi na natutuwa sa MIAA ng humarap ang mga opisyal nito sa hearing.

Kaming mga dumalo po sa hearing ay nagulat ng malaman namin na wala palang hawak na ‘as-built’ plan ng NAIA-3 ang MIAA na napakaimportante para matukoy kung ano bang mga problema ang dapat ayusin sa Terminal. Ang ‘as-built plan’ po kasi ay iyong mismong plano ng airport ng magawa ito at matapos, Iba po ito doon sa blueprint o building plan bago magsimula ang pagpapagawa. Kasi po, habang ginagawa ang isang bahay o gusali ay may mga nakikitang dapat baguhin sa orihinal na plano, tulad ng paglalagay ng drainage, mga kable, o ng mga electrical wiring. Kaya kapag tapos na po ang konstruksyon ay dapat na may hawak na ‘as-built’ plan ang mag-aasikaso sa pangangalaga ng gusali. Ito ay para matiyak na angkop at tama ang mga gagawing hakbang para maayos ang mga dapat ayusin.

Ayon kay Co, ang ‘as-built’ plan daw ay nasa contractor pa, gayong matagal ng tapos ang kontrata at matagal ng nagoo-operate ang NAIA-3.

Pinagsabihan nina Cong. Acop at ni Bulacan 6th District Cong. Salvador Pleyto si Co ng malaman nila ito. Paano nga naman makakapagsagawa ng maayos na pag-aaral sa problema ng NAIA-3 sa kuryente at masosolusyunan ito kung wala silang hawak na ‘as-built’ plan?

Dahil dito, tayo naman po ay nagduda kung regular bang nache-check ang mga electrical facilities ng NAIA-3. Kaya pinakiusap ko po sa komite na utusan ang mga opisyal ng MIAA na magsumite ng mga record ng electrical maintenance na ginagawa nila, para mapag-alaman kung nagagawa ba ng maayos ang kanilang trabaho.

Sa panahong sinusulat ko po ito ay wala pang naisusumite ang MIAA na electrical maintenance records na hiningi po natin.

Aalamin po natin sa iba pang mga dokumentong isusumite ng MIAA kung may progreso na bang nangyayari sa mga pinapatupad ng ahensya para matiyak na hindi na mauulit ang pagkawala ng kuryente sa ating pambansang paliparan.

Hindi po natin puwedeng isawalambahala ang ganitong problema dahil hindi lang po tayong mga pasahero ang apektado, Maging ang imahe po ng ating bansa ay nagkakaroon ng lamat sa panahon na muli nating pinapasigla ang ating tourism industry na lumagapak dahil sa nakaraang pandemya.

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on