Nag-alok si Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte ng P1 milyong pabuya sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon para sa ikadarakip sa suspek na humalay at pumatay sa isang lady architect dito noong nakaraang linggo.
Natagpuan ang bangkay ng biktimang si Vlanche Marie Bragas, 28, residente ng Mergaville, na wala ng saplot pang-ibaba sa isang sugar plantation sa Barangay Dacudao sa Calinan District bandang alas-otso nang umaga noong Mayo 17.
“As we, the Davaoeños, continue to seek justice for Miss Bragas, we offer a P1-million reward to anyone who can tell us the whereabouts of the suspect,” ayon kay Duterte.
Tulad ng kanyang mga kababayan, nalulungkot at nakikiramay sa pamilya ng biktima ang anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaya nangako ito na gagawin niya ang lahat para madakip ang suspek at mapatawan ng parusang akma sa ginawa nitong krimen.
Aniya, isang ordinaryong Davaoeña si Bragas na nagsisikap para sa kanyang kinabukasan at ng kanyang pamilya kaya hindi siya titigil hanggang hindi nabibigyan ng hustisya ang sinapit nito.
Ayon sa ina ng biktima, tinawagan pa siya ng anak para sabihing nasa Crossing Fausta sa Calinan na ito pasado alas-12:00 nang hatinggabi noong Miyerkoles. Nang hindi pa ito dumarating makalipas ang kalahating oras, nagtungo sila sa kanto para sunduin ito pero tsinelas lang nito ang naabutan nila sa lugar.
Samantala, sinabi ng driver ng sinakyan nitong traysikel na sumabay sa biktima ang isa pang lalaking pasahero nang bumaba ito sa kanto.
Bumuo ang pulisya ng Davao City Police Office (DCPO) ng Special Investigation Task Group (SITG) Bragas para tutukan ang kaso.