Lubos ang ating kasiyahan matapos ideklara kamakailan ng World Health Organization (WHO) na ang Covid-19 ay hindi na global public health emergency matapos ang mahigit tatlong taon mula nang ideklara ang outbreak ng nakamamatay na novel coronavirus na isang krisis pangkalusugan sa buong mundo.
Isa itong hudyat ng pagluluwag sa mga health restrictions sa iba’t ibang panig ng mundo dahil sinabi nga ng WHO na Covid-19 pandemic “no longer constitutes a public health emergency of international concern (PHEIC).”
Kung inyo pong maaalala, ang inyo pong lingkod ang isa sa mga nagmungkahi at sumuporta sa ipinag-utos ni Pangulong Marcos na i-relax na ang protocols upang makatulong sa mabilis na pagrekober ng ekonomiya at nang ating minsang nangungunang industriya ng turismo.
Sa deklarasyon ng WHO, napatunayan nating tama naman ang ating mungkahi at tayo ay nasa tamang direksyon. At kung pag-uusapan ang resulta ng ginawa nating pagluluwag magmula noong Oktubre 2022, batay na rin sa direktiba ni Pangulong Marcos, ay OK naman ang resulta ayon mismo sa Department of Tourism (DOT) na tumaas ang numero sa naitalang arrivals ng mga dayuhang turista sa bansa.
Sa datos ng DOT lumagpas pa sa 2 milyon ang international arrivals —higit pa sa baseline target ng DOT sa taong 2022—at nakalikom ng P168.52 bilyon mula January hanggang April ng taong 2023. Di hamak na mas mataas ito ng 782.59 percent kumpara sa P19 bilyon sa tourism revenues sa kaparehong mga buwan ng nakaraang taon.
Malaking bagay talaga ang turismo, gaya nga ng sinabi ni Pangulong Marcos sa kaniyang October 17 speech sa Philippine Tourism Industry Convergence Reception (PTICR) sa SMX Convention Center, na ang industriyang ito ay kabilang sa “high potential drivers for economic transformation” ng bansa.
Subalit kahit hindi na global public health emergency ang Covid-19 at kahit gumanda ang ating turismo, nakakalungkot isipin na hindi pa rin pala natatanggap ‘yung nararapat na allowance ng ating mga healthcare workers (HCWs).
Ang inyong lingkod din po ang principal author sa Kamara ng Bayanihan 1 and 2 kung saan nakasaad na may allowance ang mga HCWs natin na nagpakabayani at inilagay sa panganib ang kanilang mga buhay para makapagsilbi sa bansa at sa mga nangangailangan nating mga kababayan noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic.
Ito sana ‘yung the least na magagawa natin sa mga bayani nung panahon ng pandemya, ang maibigay ‘yung mga natenggang allowance nila.
Sa ilalim ng Republic Act (RA) 1171 na atin ding ini-sponsor, ang HCWs ay dapat makatanggap ng buwanang health emergency allowance (HEA) na katumbas ng P3,000 para sa health workers sa mga low-risk area; P6,000 kung sila’y nasa moderate-risk area at P9,000 sa mga medical frontliners sa high-risk na lugar. Ang allowance na ito ay dapat natanggap ng mga HCWs sa buong duration ng state of calamity na idinulot ng pandemya.
Nilagdaan ni dating Pangulong Duterte ang Proclamation No. 929 noong March 16, 2020 na nagdedeklara ng a 6-month state of calamity sa buong bansa dahil sa Covid-19. Pinalawig ang state of calamity ng isang taon hanggang September 12, 2021 sa ilalim ng Proclamation No. 1021, at muling pinalawig ng isang taon hanggang September 12, 2022 sa ilalim ng Proclamation No. 1218.
Si Pangulong Marcos din ang nag-extend ng state of calamity hanggang sa katapusan ng December 2022 at siya ang naghayag na ang HCWs ay patuloy na makakatanggap ng Covid-19 allowances kahit hindi na ini-extend ang state of calamity sa taong 2023.
Kaya naman nakakalungkot ang malaman kamakailan lamang na umaangal ang grupong United Private Hospital Unions of the Philippines (UPHUP) dahil may 20,304 healthcare workers pa ang hindi nakakatanggap ng kanilang allowance na umaabot sa P1.94 bilyon mula October 2021 onwards. Hindi na global health emergency ang Covid ayon sa WHO, pero wala pa rin ang kanilang allowance.
Umaasa tayong gagawa ng paraan ang Department of Health (DOH) at Department of Budget and Management (DBM) na maihanap ng pondo mula sa national budget ang halos P2 bilyon para sa delayed allowances ng ating mahigit 20,000 medical frontliners.
Ang HCW-beneficiaries na hindi pa nabayaran ay nagtatrabaho sa 23 private hospital sa Metro Manila, Batangas, Cavite, Cebu at Davao del Sur, batay sa UPHUP report.
Sa datos ng DOH, nasa P26.9 billion o 64% lamang ng P41.9 billion na inilaan sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA) ang nairelis ng gobyerno para sa mga health workers.
Noong nakaraang taon, pinuna po natin ang DOH dahil lumalabas na sila ang nagkaroon ng aberya sa mga kinakailangang dokumento kaya hindi nairelis ng DBM ang benepisyong para sa HCWs.
Nakakairitang malaman na mismong mga health official natin ang pumalya sa paperwork na kailangan para mabilis sanang mairelis ang additional allowances at iba pang benepisyo ng medical frontliners.
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge (OIC) and Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nagkaroon ng delay dahil nakikipag-negotiate pa rin sa DBM. Matagal na raw nilang nire-request ito sa DBM pero hindi pa naglalabas ng pondo kaya walang maibigay sa HCWs.
Subalit sinagot ito ni DBM Secretary Amenah Pangandaman at sinabing hindi sila nakapaglabas ng pondo ng nakaraang taon dahil hindi pa nagsumite ng kumpletong documentary requirements ang DOH. Totoo raw na nagsubmit ng request sa dagdag na pondo ang DOH pero ibinalik nila ang request dahil kulang-kulang ang mga dokumento o supporting documents.
Kabilang sa mga hinahanap na dokumento ng DBM ang budget breakdown, segregation, mga pangalan ng claimants, at iba pang mahalagang dokumento para masuri kung karapat-dapat at tama ba ang ibinigay na listahan ng mga benepisyaryo.
Ang pagkaantalang ito ay taliwas sa napakagandang mensaheng binitiwan ng Pangulo nang magsalita ito sa harap ng Philippine Nurses Association Inc. (PNA) sa 100th anniversary celebration ng asosasyon noong September 1, 2022.
Tinawag ng Pangulo ang mga nars na “my heroes … na hindi lamang tumulong sa mga naging pasyente ng Covid dito sa Pilipinas kundi rin pinaganda niyo pa ang pangalan ng Pilipinas dahil sa serbisyo ninyo sa buong mundo.”
Mismong si Pangulong Marcos ay nagsabi na bayani ang mga nars at nagpasalamat siya dahil ang mga ito ang sumagip sa kanya nung tinamaan siya ng Covid noong 2020.
Ayon pa sa Pangulo, hindi titigil ang gobyerno sa pagbibigay ng mga programang magpapaangat ng kalagayan ng mga nars.
Kaya kailangang resolbahin na ng DOH and DBM ang isyung ito sa lalong madaling panahon.
Bukod po sa naantalang HEA sa ilalim ng RA 11712, ang mga HCWs na tinamaan ng Covid ay makakatanggap ng P15,000 compensation kung mild habang ang mga tinamaan ng severe coronavirus disease ay makakatanggap ng P100,000. Ang pamilya ng mga HCWs at non-HCW na namatay sa Covid sa pagganap sa kanilang tungkulin ay tatanggap ng P1 milyon.
Maliban sa HCWs, saklaw din ng ekstrang benepisyong ito ang non-healthcare
e workers, kabilang ang mga mga nagbibigay ng medical, allied medical, administrative, technical, at support services sa hospitals, health facilities, laboratories, medical o temporary treatment at monitoring facilities, at vaccination sites.
Talaga naman pong nakakalungkot na malaman na ang mga napakagagandang benepisyong isinulong ng gobyerno sa mga bayani ng Covid ay hindi naman pala nila natatanggap hanggang sa kasalukuyan.
Hanggang kailan natin paghihintayin ang mga HCWs at mga bayani ng pandemya?