WebClick Tracer

Abante VISAYAS / MINDANAO

28 sugatan sa fast craft, cargo vessel salpukan

Umakyat na sa 28 ang mga nasugatang pasahero sa banggaan ng isang fast craft at cargo vessel sa bahagi ng Barangay Looc sa Mandaue City, Cebu noong Linggo.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), dinala ang anim na pasahero sa Mactan Doctors Hospital habang sa Captain Velose Pier 1 sa Lapu-lapu City naman nanatili ang 22 na iba pa.

Sa ulat, patungo ang MV St. Jhudiel sa Cebu City mula sa Ormoc City lulan ang 197 na pasahero nang magkadiperensya ang makina at steering system nito, dahilan para bumangga at bumagsak ito sa cargo vessel na LCT Poseidon 23 habang nasa karagatan ng Barangay Looc sa Mandaue City bandang alas-2:52 nang hapon.

May lulan na 17 rolling cargo at 20 pasahero kabilang ang mga driver at cargo helper ang cargo vessel nang mangyari ang insidente.

Dinispatsa ng Philippine Navy ang mga tauhan nito na nagresulta sa pagkakasagip sa 28 na pasahero.

Ipinadala na rin ng PCG ang Coast Guard Marine Environmental Protection Force – Central Visayas para tingnan kung may tumagas na langis mula sa dalawang sasakyan. (Catherine Reyes)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on