Ayon sa ating datos nang itayo ang Honda Safety Driving Center (2007) at Safe T Ryders Training Center (2010), 83% ng mga sakuna sa kalsada ay sanhi ng driver error o pagkakamali ng nagmamaneho.
Noong 2020 bago ang pandemic, meron tayong ginawang pag-aaral sa datos ng banggaan sa isang highway sa Luzon. Nakita natin, 90% ng mga sakuna ay dulot ng driver error.
Kaya’t sa ating kuro-kuro, tama lang ang ginagawa ng Land Transportation Office na higpitan ang pagbibigay ng lisensiya sa pagmamaneho. Ang lisensiya ay dapat mapunta lamang sa mga marunong magmaneho at nakakaintindi ng mga batas at patakaran ng ligtas na paggamit ng kalsada.
Pero hindi dapat baliwalain ang iba pang dahilan ng mga sakuna sa kalsada. Isa rito ang problema sa mga sasakyan dulot ng kawalan ng maintenance at simpleng kalumaan.
Doon sa pag-aaral noong 2020, siyam na porsiyento (9%) ng mga banggaan ay dala ng problema sa sasakyan tulad ng bumigay na piyesa (brakes), nahulog na parte ng sasakyan, sumabog na gulong, flat tire, atbp. Nagdulot eto ng pagkawala ng buhay at pagkakasugat ng mga drayber at pasahero, at pagkasira ng ari-arian.
Dapat lang na ang mga depektibong sasakyan ay ipagbawal sa kalsada; hindi sila “roadworthy”. Malaking banta sila sa kaligtasan ng ibang gumagamit ng kalsada: motorista, pedestrian, commuter at mga naninirahan malapit sa kalsada.
Eto ang dahilan kung bakit pabor tayo sa MVIC (motor vehicle inspection center), para malaman kung ang sasakyan ay roadworthy o ligtas gamitin sa kalsada. MVIC ang magiging susi upang wakasan ang pamiminsala ng mga bulok at kalampag sa buhay ng motorista, pedestrian at mananakay.
Sa kasamaang palad, hindi naging maganda ang umpisa sa paglalatag ng mga MVIC. Noong 2019 nang umpisahan ang mahigpit na inspeksyon ng mga sasakyan ng mga MVIC, isinabay ay pagsasara sa mga PETC (private emission testing center). Dahil usok lang ang inu-usisa ng PETC, hindi sila makakatulong sa pag-aalis ng mga delikadong sasakyan. Kaya sinimulan ang isa-isang pagsasara sa mga eto.
Nagkataon na 69 pa lamang ang bukas na MVIC nang simulan ang kampanya noong 2021; lubhang kapos ang bilang para tugunan ang inspeksyon ng malaking bilang ng mga sasakyan kasama ang motorsiklo. Sa ngayon, sa 140 lokasyon na pinapayagan ang pagtatayo ng MVIC ng Department of Transportation (DOTr), nasa 105 pa lamang ang bukas na.
Para tugunan ang pangangailangan ng mga motorista, muling nagbukas ng 206 na lokasyon para sa karagdagang MVIC. Kaya lang, sa 140 na bagong aplikasyon ng MVIC, wala pa kahit isa ang naaksyunan ng DOTr.
Sa kabila nito, nariyan pa rin ang pangangailangan na alisin sa kalsada ang mga mapanganib, bulok at kalampag. Hindi dapat eto isuko sapagkat buhay at kapakanan ng ating mga kababayan ang dapat protektahan.
Kung papakinggan ng kalihim ng DOTr ang ating munting suhestiyon, simulan na sana ang magproseso sa dagdag na MVIC sa lahat ng rehiyon. Malaking ginhawa ang idudulot nito sa ating mga motorista.
Sa mga lugar na tumatakbo na ang mga 105 na MVIC, higpitan na ang inspeksyon ng mga sasakyan. Maaari etong gawin agad habang nasa proseso pa ang ikaragdagang MVIC.