Doble saya at biyaya ang tinanggap ng dalawang nag-top 1 sa katatapos lamang na Licensure Examination for Professional Teachers.
Bukod kasi sa pagiging topnotcher, nakatanggap pa sila ng P300,000 cash reward mula sa kanilang review center.
Ito ay sina Mikaela Andrea Bonador ng University of the Philippines – Diliman at Jose King Clet mula naman sa Philippine Normal University-Manila.
Kapwa sila nakakuha ng 92.20% rating sa nasabing pagsusulit para sa elementary teachers.
Binigay ng Carl E. Balita Review Center ang nasabing halaga para sa dalawang topnotcher. Bukod sa kanilang dalawa, galing din sa nasabing review center ang isa pang top 1 sa anim na nakasungkit nito, na si Fritzie Mae Sarona Unabia mula naman sa Cebu Technological University-Argao na inaasahang makakatanggap din ng parehong reward.
“Walang panghihinayang na pagbibigay ng CASH REWARD sa mga CBRC Topnotchers. P2 milyong piso po ang aming inihanda para sa inyong lahat bilang pabuya at pasasalamat sa inyong hatid na inspirasyon sa lahat ng mga nangangarap,” caption naman ni Balita sa kanyang Facebook post.
Bukod kina Bonador, Clet, at Unabia, nag-top 1 din sina Sitty Ken Rose Alip ng Mindanao State University – Iligan Institue of Technology; Cyntal Arra Dayag ng University of Mindanao—Tagum; at Andrea Nicole Vicera Sumugat ng University og Negros Occidental – Recoletos.
Bumuhos naman ang pagbati para sa kanila mula sa kanilang mga pamilya at kapwa passer ng LET.
(Moises Caleon)