Mainit na usapin ang West Philippine Sea na inaangkin ng China sa kabila ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration na pumabor sa Pilipinas.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin kinikilala ng China ang naging desisyon ng arbitral tribunal kaya patuloy ang tensiyon at pangha-harass ng Chinese Coast Guard at Chinese milita sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard at mga mangingisdang Pinoy sa mga teritoryo ng Pilipinas sa karagatan.
Ilang Presidente na ng Pilipinas ang dumaan subalit hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na istratehiya ang gobyerno kung paano pangasiwaan ang isyu sa West Philippine Sea.
Sa bawat nagdaang Presidente ng bansa, iba- iba ang pagtrato sa isyu sa WPS at sa China habang nakamasid lamang sa mga kaganapan ang matalik na kaibigan at kaalyado ng bansa na Estados Unidos.
Dahil sa mga pagbabago ngayon sa pakikitungo ng Pilipinas sa China ay may mga paminsan-minsang mga kaganapan sa West Philippine Sea na ang napupuntirya ay ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard at mga mangingisdang Pinoy gaya ng paggamit ng China Coast Guard ng green laser na nagdulot ng panandaliang pagkabulag at pangangati ng balat.
Dahil sa mga ganitong insidente ay nag-aalala ang mga mambabatas dahil sa kawalan ng malinaw na istratehiya ang Pilipinas sa pagtugon sa isyu sa WPS partikular sa aspeto ng pakikitungo sa pinakamatagal na kaibigang Amerika at sa China na malapit na kapitbahay sa Asya.
Sa ilalim ng Duterte Administration ay ipinairal ang independent foreign policy kung saan pinanindigan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ang ipinaglaban sa WPS ay ang karapatan ng mga Pilipino at hindi kung aling bansa papanig ang Pilipinas.
Sensitibo at kumplikado ang isyu sa West Philippine Sea kaya dapat ay mayroong malinaw na paninindigan at istratehiya ang gobyerno para dito.
Isa si Senator Alan Peter Cayetano sa nagpahayag ng obserbasyon at nagbigay ng mungkahi hinggil sa usapin na dapat maging neutral, maging pro- Filipino at walang dapat na kikilingan sa alinman sa Amerika at China.
Si Cayetano ay nagsilbing Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary sa ilalim ng Duterte administration at nakita nitong ang kapakanan ng mga Pilipino ang isina-alang alang ng dating Pangulo sa isyu sa WPS.
Batay sa obserbasyon ng senador, may mga naging Presidente ng bansa na pro- China, mayroon naman isang anti-China, may pro- US at mayroon ding anti-US, pero ang pinaka-mainam ay maging pro-Filipino.
Panahon na para simulan ang mungkahi ni Senador Alan na magbalangkas ng “one hundred year plan” o kahit “one thousand year plan” para tapatan ang matatag at epektibong plano ng China sa isyu sa WPS.
Maraming mga aktibidad na maaring gawin ang Pilipinas para makinabang ang mamamayan sa WPS subalit hindi malayang magawa dahil sa mga desisyon ng Korte.
Halimbawa na lamang dito ang Joint Maritime Seismic Undertaking (JMSU) ng Philipine National Oil Company (PNOC) sa Vietnam at China para magsagawa ng seismic surveys subalit pinigilan ng Korte Suprema dahil ito umano ay labag sa Saligang Batas.
Bagamat legal ang surveys na ginawa ng PNOC, Vietnam at China sa malaking bahagi ng WPS sa ilalim ng international law, taliwas dito ang pananaw ng Korte Suprema dahil labag sa batas na mag-explore ang mga dayuhang bansa sa mga likas na yaman ng Pilipinas.
Dahil sa pangyayaring ito iminungkahi ni Senador Cayetano na kailangan magkaroon ng maingat at angkop na mga paraan ang gobyerno para makamit ang paborableng solusyon at kasagutan sa masalimuot na sitwasyon.
Hindi aniya ito zero-sum game na may nananalo at natatalo. Ang kailangan ay diplomasya at hindi giyera dahil ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino ang unang dapat na isa-alang alang ng gobyerno.
Wala naman sigurong lider na gustong ipasubo ang kanyang mamamayan sa kapahamakan kaya dapat ang laging isa-alang alang ay pro-Filipino sa isyu sa WPS.