WebClick Tracer

OPINION

Para sa mga bata

Isa sa mga matinding epekto ng nakaraang pandemya sa ating lipunan ay ang pagdami ng mga pamilyang nasadlak sa kahirapan.

Dahil sa hagupit ng pandemya, ang mga pamilyang makakaahon na sana ay nahila muli ng kahirapan.

Bagamat ang ating ekonomiya ay nakakabangon na mula sa salot na dala ng COVID-19, marami pa rin ang naghihirap. Ang malungkot na pangyayaring ito ay hindi lamang dito sa ating bansa, kundi laganap din sa ibang parte ng mundo.

Kung ang pagbabasehan ay ang pinakahuling Listahanan survey ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sinagawa ng 2022, may 5.6 milyong pamilya ang nanatiling mahirap, kasama na ang mga batang edad 18 pababa.

Kulang ang mga pamilya nila ng panggastos para sa pang-araw araw na pangangailangan, kaya’t ang pagpapagamot ay hindi na nila iniintindi. Kawawa ang mga bata sa mga pamilyang ito kapag sila ay nagkasakit o kailangang itakbo sa ospital para mabigyan ng emergency treatment.

Napakahalaga pa naman hindi lang ang pagpapagamot, kundi maging ang pagpapacheck-up sa doktor. Ito ay para makita kung ikaw ay may karamdaman at maagapan na habang maaga pa ang pagpapagamot.

Bukod diyan, kahit na may Anti-Hospital Deposit Law na, may mga pribadong ospital at clinic pa ring hindi tinatanggap ang mga mahihirap na pasyente. Kahit pa sila ay mga batang kailangan ng emergency treatment, hindi sila bibigyang atensyon, hangga’t hindi nag-aabot ng paunang bayad sa ospital.

Dahil dito, pinanukala ng inyong Kuya Pulong, kasama sina Benguet Congressman Eric Yap at ACT-CIS Partylist Cong. Edvic Yap, na bigyan ng libreng serbisyo medikal ang mga batang edad 18 pababa na mula sa “poorest of the poor” na mga pamilya.

Nakasaad sa aming panukalang batas na House Bill (HB) 7866 na lahat ng ospital, clinic, at iba pang institusyong pangkalusugan ay dapat na magbigay ng libreng frontline medical services tulad ng pagpapa-check up at pagpapatingin sa doktor sa mga mahihirap na kabataang edad 18 pababa.

Kasama rin sa pagbibigay ng libreng serbisyong medikal sa ilalim ng HB 7866 ang libreng dental services sa mga mahihirap na bata.

Ang mga “indigent children” sa ilalim ng panukalang batas ay ang mga batang walang nakukuhang suportang pinansiyal o ang mga magulang o guardian ay walang pangtustos sa kanilang mga pangangailangang medikal.

Nakasaad sa bill na ang DSWD at ang Department of Health (DOH) ang pangunahing mga ahensya ng pamahalaan na magpapatupad ng libreng medical and dental services sa mga indigent children.

Ang DSWD ang magpapatunay kung ang isang bata ay totoong indigent, samantalang ang DOH naman ang makikipag-ugnayan sa mga ospital at clinic para mabigyan ng libreng medical at dental care ang mga mahihirap na kabataan.

Pagkakataon na ito para ang mga anak at apo sa mga poorest of the poor na pamilya ay mabigyan ng sapat at de-kalidad na serbisyong medikal. Hindi lang sa ganitong aspeto sila may kakulangan, kundi maging sa pagkakaroon ng maayos na pabahay, pagkain, malinis na kapaligiran, tubig at iba pang pangunahing pangangailangan. Ito ang madalas nilang inuuna kaysa gumastos para sa kanilang kalusugan.

Ang mga kabataan–mayaman man o mahirap–ang kinabukasan ng ating bayan. Tulad ng pagkakaroon ng de-kalidad na edukasyon, anuman ang estado nila sa lipunan, dapat ay mabigyan sila ng pantay na oportunidad sa pangangalaga ng kanilang kalusugan.

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on