Masayang ipinagdiwang ng mga taga-La Loma, Quezon City ang nakaugaliang Lechon Festival nakaraang Linggo.
Literal na bumaha ng lechon sa La Loma, QC City dahil sa nasabing masayang okasyon.
Kabilang sa naging highlight ng pagdiriwang ay ang parada ng mga lechon, kung saan ibinida ng mga lechoneros ang kani-kanilang naglalakihang lechon.
Nagkaroon rin ng pagarbuhan ng mga float at lechon reinvention cook-off.
Hindi rin naman ininda ng mga kalahok sa okasyon ang matinding init ng panahon at bigay-todo ang mga ito sa pagalingan sa street dance at nagkaroon pa ng konsiyerto ng banda.
Masayang-masaya naman ang mga lechonero dahil sa pagbabalik-sigla ng pista, matapos ang pandemya ng COVID-19.
Anila, sa ngayon ay unti-unti na ring lumalakas ang bentahan ng lechon, lalo na ang mga umuorder online.
Pagtiyak nila, wala namang pagtaas ng presyo ng lechon dahil hindi naman mataas ang demand dito tuwing pista, maliban na lamang sa panahon ng Disyembre.
Dagdag pa nila, ang lechon ay simbolo ng pagmamahal sa pamilya ng isang Pilipino, kasaganaan, tagumpay at hindi anila kumpleto ang pista kung walang lechon sa hapag-kainan. (Dolly Cabreza)