WebClick Tracer

ALAMIN: Gamot sa Pigsa, nakakahawa ba, at ilang araw ito tumatagal

Isa sa pinakamasakit na impeksyon sa balat na pwedeng tumama sa isang tao ay ang pigsa, o boil sa English. Sagabal din ito para sa iba lalo’t madalas sumusulpot ang pigsa sa maseselang bahagi ng katawan.

Ngunit saan nga ba nanggagaling ang pigsa at paano ito dapat gamutin?

Heto ang ilan sa mga dapat niyong malaman tungkol sa nasabing skin infection.

Ano ang Pigsa

Ang pigsa o boil ay isang skin infection na umuumbok sa iba’t ibang parte ng katawan. Madalas itong sumulpot sa parte na madalas pagpawisan.

Nanggagaling ito kapag na-infect ng bacteria na Staphylococcus aureus ang hair follicle sa balat. Nagsisimula ang pigsa bilang pulang umbok sa balat, ngunit kalaunan ay lalaki pa ito at mapupuno ng nana o pus.

Ngunit paano nga ba malalaman kung pigsa na ang iyong nakakapang umbok?

Madalas na kulay puti o dilaw ang gitna ng pigsa dahil na rin sa nana na pumupuno rito. Ang pigsa rin ay pwedeng kumalat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kapag magkakatabi ang pigsa sa iisang parte ng katawan, ang tawag na rito ay carbuncle.

pigsa

Mabisang gamot sa Pigsa

Unang-una, pinaalala ng mga doktor na hindi dapat tirisin o butasin ang lumobong pigsa para lumabas ang nana sa loob nito kapag ito’y bago pa lamang.

Maaari kasing kumalat pa ang impeksyon sa ibang bahagi ng katawan kapag pinutok ang pigsa.

Madalas ay kusang gumagaling ang pigsa, ngunit may mga pagkakataon na nagkakaroon ng lagnat ang isang tao dahil sa bacterial infection.

pigsa - lagnat temperatura

Isa sa mabisang remedy para sa pigsa ay punasan ng mainit na tuwalya o bimpo ang infected area nang sa gayon ay dumaloy ang mga white blood cells sa impeksyon.

Kapag naman hindi kusang gumaling ang pigsa ay dapat nang magpatingin sa doktor. Posible itong magrekumenda ng mga antibiotic para matigil ang impeksyon.

Kapag naman hindi na makaya ang sakit na dulot ng pigsa, maaaring uminom ng gamot tulad ng ibuprofen para mabawasan ang sakit.

Samantala, may ilang home remedy na pwedeng gamitin para sa pigsa, kasama na rito ang bawang kung saan kailangang kunin ang katas nito at ipahid sa pigsa ng abot sa 10 hanggang 30 minuto kada araw.

Ilang araw tumatagal ang Pigsa

Kadalasan ay kusang pumuputok ang pigsa sa loob ng isa hanggang dalawang linggo. Kapag nagsimula nang lumabas ang nana nito ay ibig sabihin ay paggaling na ang pigsa.

Ngunit may mga kasong hindi kusang napuputok ang pigsa dahil sa laki nito. Kung ganito ang kondisyon ay marapat na kumonsulta na sa doktor para malaman ang dapat gawin.

Kapag naman patuloy ang pagkakaroon ng pigsa, dapat din na lumapit agad sa espesyalista dahil posibleng ito’y sintomas na ng Methicillin-resistant Staphylococcus aureus (MRSA) na posibleng life-threatening.

Nakakahawa ba ang pigsa?

Posibleng maipasa ang bacteria kung saan nanggaling ang pigsa sa ibang tao kapag nadikitan sila ng nana mula sa infected area.

Kaya naman inaabisuhan ang publiko na iwasan na dumikit sa area kung saan naroon ang pigsa. Para naman sa mga taong may pigsa, huwag munang ipahiram ang mga personal na gamit sa ibang tao.

IBA PANG NAGBABAGANG BALITA:

Bebot 14 buwan hindi nakaihi

Kelot super laki ng tyan, lumawlaw hanggang legs

TELETABLOID

Follow Abante News on