Ubos ang mga ‘bata’ ni dating Secretary Erwin Tulfo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos na pagbitiwin sila sa puwesto.
Nabatid sa source ng Abante na pinaghahain na ng courtesy resignation sina Undersecretary at dating ACT-CIS party-list Rep. Niña Taduran at veteran newsman Jerico Javier, kasama ang iba pang opisyal na binitbit ni Tulfo sa ahensiya.
Maiiwan dito ang isa pang dating newsman na si Undersecretary Eduardo Punay na kilalang hindi konektado kay Tulfo.
Gayunman ay posible umanong manatili si Punay sa DSWD o sa Public Information Agency (PIA) kapalit ni PIA Director Ramon Lee Cualoping III.
Nabatid na dadalhin ni Gatchalian sa DSWD ang dating journalist at PR specialist na si Raymund Burgos. Si Burgos ay kilalang kaibigan ni Gatchalian at dati rin umanong naging PR man nito.
Napilitang magbitiw sa DSWD si Tulfo matapos itong hindi makalusot sa Commission on Appointments (CA) dahil sa isyu sa kanyang citizenship at conviction sa libel case.
Uupo rin sana itong kinatawan ng ACT-CIS sa Kongreso pero naghain ng disqualification case sa Commission on Elections (Comelec) ang isang Atty. Moises S. Tolentino Jr. para harangin ang pagtalaga kay Tulfo bilang ikatlong nominee ng party-list dahil pa rin sa isyu ng citizenship at libel case.